421 total views
Pinangunahan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang funeral mass at pagbibigay ng parangal sa yumaong si Archbishop-emeritus Oscar Cruz na 18-taong nanungkulan sa arkidiyosesis.
Dulot na rin ng umiiral na health protocol pawang mga obispo, mga pari at mga kaanak lamang ng arsobispo ang dumalo sa pagtitipon na ginanap sa Cathedral of St. John the Evangelist sa Dagupan, City.
Sa homiliya, tinagurian ni Archbishop Villegas si Archbishop Cruz bilang ‘santo’ ng simbahan dahil na rin sa kaniyang katapatan sa paglilingkod sa Panginoon.
“But I know he is a saint. And the skies of Dagupan cried on the day he passed away. He is a saint, but not our usual one,” bahagi ng homiliya ni Archbishop Villegas.
Ayon pa kay Archbishop Villegas, “He was a saint who rallied with us and join us in picket lines against illegal gambling and prostitution. Championing social justice and the rights of women. Does not the gospel teach us that what we do to the poor, to the defenseless, to the orphans, to the widows is done to Christ and such acts will not go unrewarded in heaven.”
Matapos ang pagdiriwang ay inihatid na rin sa kanyang huling hantunangan ang pumanaw na arsobispo sa Santuario de San Juan Evangelista.
Ang namayapang arsobispo ay kilalang tagapagtanggol ng pananampalataya, paggalang sa buhay at pamilya at ang masidhing pagtutol sa ilegal na sugal tulad ng Jueteng. Si Archbishop Cruz ay isinilang sa noong Nobyembre 17, 1934 sa Balanga, Bataan.
Inordihan bilang pari sa Archdiocese of Manila taong 1962 at nanungkulan bilang katuwang na obispo ng Maynila taong 1976. Nagsilbi ring arsobispo ng Archdiocese ng San Fernando, Pampanga at nagging dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Ang 85 taong gulang na arsobispo ay pumanaw dahil na rin sa multiple organ failure na dulot ng Covid-19. Si Archbishop Cruz ang ikatlong opisyal ng simbahan sa Pilipinas na nahawaan ng Covid-19 at kauna-unahang obispo na namatay dulot ng virus.