161 total views
Dalawa hanggang sa apat na bagyo ang inaasahan ng PAGASA na papasok ngayong buwan ng Agosto.
Ayon kay PAGASA weather forecaster Benison Estareja, inaasahan din ang mga pag-ulan ngayong Agosto at Setyembre bagama’t sa kasalukuyan ang sama ng panahon ay bunsod ng hanging habagat.
“May 2 hanggang 4 na bagyo ngayong Agosto. Kaya talagang maulan dahil sa hanging habagat,” ayon pa kay Estareja.
Ang Agosto rin ang buwan ng pagsisimula ng tag-ulan at ang mahinang epekto ng La Nina phenomenon na inaasahang makakaapekto sa huling bahagi ng taon.
Sa kasalukuyan, may tatlo ng bagyo ang pumasok sa bansa habang 16 na bagyo pa ang inaasahan mula sa karaniwang higit na 20 bagyo kada taon.
Una na ring nanawagan ang Simbahan sa mga mananampalataya na unawain, maghanda at magdasal kaugnay na rin sa pinapangambahang epekto ng pabago bagong klima na nagdudulot ng malalakas na bagyo at tagtuyot.
Sa ulat ng World Meteorological Organization, 26 na lalawigan sa Pilipinas ang naapektuhan ng tagtuyot noong tag araw, kung saan higit sa 4 na bilyong piso ang mga hindi napakinabangang pananim ayon sa Department of Agriculture.