161 total views
Inindorso ni Congresswoman Chiqui Roa – Puno ng 1st District ng Antipolo, Rizal sa kanyang mga ka – distrito ang pagtangkilik sa Segunda Mana charity outlet.
Sa pagbubukas ng ika – 27 charity outlet, hinimok ni Congresswoman Puno ang kanyang mga nasasakupan na makiisa sa adbokasiya ng Caritas Manila na nagsusulong ng isang programang makatutulong sa mga scholars nito.
Matapos pasinayahan sa Comoda Ville sa Barangay Mambugan, Antipolo ang 27th Segunda Mana outlet nagpa – abot ito ng pasasalamat dahil sa tahimik ngunit makabuluhang pagtulong ng Caritas Manila sa mahigit 300 scholars ng Diocese of Antipolo sa programa nitong Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP.
“Napakadali pong tumulong sa mga nangangailangan lalo na sa ating ka – distrito yung mga bagay na nakalakihan na ng mga anak ninyo. Yung mga bagay na hindi niyo na ginagamit o kaya hindi nagamit, yung sabihin nating nag – move on na kayo, hindi niyo na kinakailangan ang mga bagay na yan ay meron pong makikinabang diyan. Ang Segunda Mana ay nandito lamang sa Comoda Ville sa Barangay Mambugan at handa pong tanggapin ang inyong gustong ibigay sa ngalan po ng pagkakawang – gawa,” bahagi ng pahayag ni Puno sa Radyo Veritas.
Nauna na ring binanggit ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila na nakikiisa ang Simbahan sa panawagan ni Pope Francis sa pagwawaksi ng kulturang patapon o “Throw – away Culture.”