314 total views
Aminado si Commission on Elections Commissioner Luie Tito Guia na hindi madali at kinakailangang pag-aralan ng mabuti ng kumisyon ang nakatakdang implementasyon ng Anti-Dynasty probation sa ilalim ng SK Reform Law para sa nakatakdang halalang pambarangay sa ika-31 ng Oktubre.
Pagbabahagi ni Commissioner Guia, kasalukuyang pinag-aaralan ng kumisyon ang lahat ng aspekto sa implementasyon ng naturang probisyon partikular na ang naangkop na penalty sa sinumang magsisinungaling o dadayain ang kanilang isusumiting Certificate of Candidacy sa tanggapan ng COMELEC.
“ Yes, we will be doing information, information on that but abangan niyo lang because this is the first time that COMELEC will be implementing some kind of an Anti-Dynasty Law medyo pinag-aaralan naming maige how can we actually make it real, hindi madali…”pahayag ni Guia sa panayam sa Radio Veritas.
Nasasaad sa bagong SK Reform Law na maaring bumoto sa SK ang mga may edad na 15 hanggang 30-taong gulang ngunit ang maari lamang tumakbo para sa katungkulan ay ang mga may edad 18 hanggang 24-taong gulang.
Samantala, nakatakda naman ang paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga tatakbong Barangay at SK Officials mula ika-3 hanggang ika-5 ng Oktubre kung saan bahagi ng COC na lalagdaan partikular ng mga SK Candidates ang pagtiyak na wala silang kamag-anak sa mga halal na opisyal na maaring maging batayan ng posibleng diskwalipikasyon sa kanilang posisyon.
Kaugnay nito, binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa isinagawang World Youth Day sa Krakow, Poland na sa tulong ng katapangan, kakayahan at kaalamang taglay ng mga kabataan ay mas mabibigyang pag-asa ang kasalukuyang lagay ng lipunan sapagkat taglay ng mga kabataan ang dalisay na pag-asa at intensyong nagmumula sa wagas na pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan.