366 total views
Mariing tinututulan ng dating chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) ang paglilibing sa mga labi ng dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Sr. May John Mananzan, kailanman hindi maituturing na bayani si Marcos lalo na at marami itong pinahirapan noong panahon ng Martial Law.
“I am very strong against it, dahil hindi naman siya hero, supposedly Libingan ng mga Bayani , hindi naman nakalagay diyan Libingan ng mga presidente at sundalo, bayani ang nililibing diyan, ang gumawa ng kabutihan sa Piilipinas, opposite si President Marco kasi ang dami niyang pinahirapan, tinorture, maraming namatay, tayo ay naging second to Bangladesh noon pagdating sa ekonomiya, nang bumaba si Marcos lugmok na lugmok na tayo, how will I agree,” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam ng Radyo Veritas.
Pahayag pa ng madre, upang matapos na ang usapin sa paglilibing kay Marcos, dapat na lamang ihimlay ang mga labi nito sa kanyang sinilangang bayan katabi ng puntod ng kanyang ina.
“Tapusin na natin sa pamamagitan ng paglilibing na lang sa kanya sa kanyang probinsya sa tabi ng kanyang ina, kasi kapag ipinilit na doon (Libingan ng mga Bayani) ilibing baka magkagulo pa, magkakaroon ng division ang society natin, para wala ng gulo, dun na lang siya ilibing sa kanila, in his native province,” dagdag pa ng madre.
Matatandaang 1986 nang magtungo sa Hawaii ang pamilya Marcos matapos maluklok sa puwesto si President Cory Aquino kung saan pumanaw sa Honolulu ang dating Pangulo noong September 28, 1989.
Sa darating na Setyembre, nakatakdang ilibing na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa utos na rin ng Pangulong Rodrigo Duterte.