796 total views
Kadalasan sa ating bansa, ang kalusugan ay isang personal na isyu para sa mga mamamayan. Nahihirapan ang marami na maiugnay ang isyu ng personal health sa public health. Halimbawa, ang obesity o katabaan at wastage o undernourishment ay kadalasan nakikitang sanhi lamang ng personal na diet, at hindi ma-iugnay ng marami sa mga ibang salik gaya ng food security at accessibility. Hindi rin agarang maiugnay ng marami ang link o koneksyon ng mga ito sa estado ng edukasyon at employment ng bayan.
Pero kapanalig, ang mga ito, kasama ng iba pang isyung pangkalusugan, ay salik rin ng public health, dahil ang estado ng ating kalusugan ay may implikasyon sa estado ng ating bayan. At ang “link” o ugnayan na ito ay dapat mas maging matingkad ngayon para sa mas maraming Pilipino dahil ang mga sakit ay mas madaling kumakalat ngayon dahil sa mas mataas na antas ng mobility at integrasyon.
Sa ngayon, ang isyu ng stunting at malnourishment ay ilan sa mga bumabagabag sa sektor ng kalusugan. Base sa pinakahuling survey ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng Department of Science and Technology (DOST), nasa 26.2% ang chronic malnutrition rate sa mga batang may edad 0 to 2 sa ating bansa. Ito ay pinakamataas na antas sa loob ng sampung taon. Ang chronic malnutrition, or stunting rate naman sa mga batang limang taon pababa ay nasa 33.5%. Tumaas ito ng 30.5% mula 2013.
Ayon sa UNICEF, ang stunting ay dulot ng patong patong na isyung pangkalusugan. Maari itong magsimula sa pagbubuntis pa lamang ng isang inang undernourished din, na napapalala pagkatapos manganak dahil sa kakulangan ng pagkain, at dahil na rin sa kakulangan ng sanitasyon. Ang stunting, ayon sa UNICEF, ay maaring sanhi ng kalahati ng bilang ng mga batang namamatay sa buong mundo. Ang batang makaka-alpas o makaka-survive nito ay maaring magkaroon ng under-developed brain, kakulungan sa mental na abilidad at kapasidad, at dahil diyan, mahihirapan siya sa paaralan, mas maliit ang kita sa kalaunan, at maaring makaranas ng nutrition-related chronic diseases, gaya ng diabetes, hypertension, at obesity. Kung patuloy ang pagdami ng mga kaso ng chronic malnutrition at stunting sa bayan, ito ang mga isyung bubulaga sa atin sa hinaharap.
Kaya nga’t ang kalusugan ng bawat isa ay responsibilidad nating lahat. Lahat tayo ay konektado, lahat tayo ay interdependent, kahit pa hindi natin ito nais o matanggap. Ayon nga sa Gaudium et Spes: “Every day, human interdependence grows more tightly drawn and spreads by degrees over the whole world… Every social group must take account of the needs and legitimate aspirations of other groups, and even of the general welfare of the entire human family.” Kaya nga’t napakahalaga kapanalig, ng ating pagkakaisa, na ayon na rin sa Gadium et Spes: “It is imperative that no one…indulge in a merely individualistic morality. The best way to fulfill one’s obligations of justice and love is to contribute to the common good according to one’s means and the needs of others, and also to promote and help public and private organizations devoted to bettering the conditions of life.” Ang estado ng ating kalusugan, kapanalig, ay isang panawagan para sa pag-ibig at katarungan. Dinggin natin ito.