276 total views
Mga Kapanalig, kailan kaya matatapos ang karahasan sa ating daigdig?
Umaga ng Martes noong nakaraang linggo sa Normandy, France, dalawang lalaking sinasabing taga-suporta ng grupong Islamic State ang lumusob sa isang simbahan kung saan may ginaganap na Misa. Pagkatapos nilang magbanggit ng tila ba isang sermon sa wikang Arabic, ginilitan nila sa leeg ang paring si Fr Jacques Hamel, 86 na taóng gulang, sa harap ng mga dumadalo sa Misa, kabilang ang tatlong madre.
Nang dumating ang mga pulis, ginawang hostage ng mga umatake ang dalawang madre at isang parokyano habang sumisigaw sila ng “Allahu akbar!”, mga katagang nangagahulugang “Ang Diyos ang pinakadakila!” Napatay ng mga pulis ang dalawang lalaki na, ayon sa mga ulat at paunang imbestigasyon, ay ilang buwan nang minamanmanan ng pamahalaan dahil sa kanilang ugnayan umano sa grupong Islamic State. Kung pagbabatayan ang kuwento ng mga nakaligtas sa pag-atake, malinaw na pinatay ang pari dahil siya ay Kristiyano.
Ang nangyari sa Normandy ay isa sa mga dumaraming terror attacks sa France. Ang pagpatay naman kay Fr Hamel ay ang pinakahuling pag-atake laban sa mga Kristiyano, sa mga naniniwala at nagsasabuhay ng kanilang pananampalataya kay Hesus. Maraming Katoliko na ang ginagawan ng masama at napapatay sa Pakistan, Egypt, Yemen, Iraq, Syria, at ilang bansa sa Africa.
Marahil, dahil mas nakararami ang mga Katoliko sa Pilipinas, hindi natin nararamdaman ang ganitong uri ng pagkamuhi sa atin ng mga taong iba ang paniniwala at pananampalataya kaysa sa atin. Ngunit hindi ito dahilan upang ipagsawalambahala natin ang patuloy na kalupitan at pang-aapi sa mga Kristiyano sa ibang bahagi ng mundo. Mayroon itong hinihingi sa ating tugon hindi lamang bilang tagasunod ni Hesus kundi bilang kanilang kapwa-tao.
At madali sa atin ang magalit at maghinganti. Ngunit bilang mga mananampalatayang naninindigan sa batas ng pag-ibig at kapayapaan, tayo po ay paulit-ulit na inuudyok na maging masigasig na magbalikatan at magtulungan sa halip na hayaang mamayani ang kasamaan at karahasan. May mas malaking hamon pa ito, mga Kapanalig. Sa kabila ng karasahan, ng di-mapangangatwiranang pagpaslang, kailangan po nating panatilihing bukás ang ating mga kamay upang patuloy na makipamuhay at makiisa sa mga taong iba ang relihiyon o lahi.
Malinaw na ang anumang gawaing nagpapalaganap ng terorismo ay malaking balakid sa pagtatag ng kaharian ng Diyos sa mundo. Mayroong magandang paalala ang mga obispo sa Amerika sa kanilang pahayag na pinamagatang “Confronting a Culture of Violence.” Sinabi nilang hindi lahat ng karahasan ay nakamamatay, hindi lahat kasintindi ng gawaing terorismo. Ngunit ang karahasan ay nagsisimula sa galit, sa kawalan ng pagtitiwala sa iba, sa pagkakaroon ng maigsing pasensya, at walang batayang panghuhusga. At makikita ito sa ating mga salita, sa mga palabas na ating tinatangkilik, sa ating pakikipagkumpetensya sa iba, at sa kung paano natin tinatrato ang kalikasan. Ang mga ito ay gawain at disposiyong kailangan nating bantayan dahil maliit man ito sa ating pangingin, ang mga ito ay binhi ng karahasan laban sa ating kapwa.
Kaya’t kung ang tugong gagawin natin sa harap ng terorismo ay karahasan din o di kaya’y pagkamuhi rin sa mga taong kabilang sa isang relihiyong ginagamit ng mga terorista, nagiging instrumento rin tayo ng paghahasik ng takot at pagkamuhi. Lalabagin din natin hindi lang ang dangal pantao ng ating kapwa kundi ang sarili nating dignidad.
Mga Kapanalig, kung ang nangingibabaw ay pagkamuhi, galit, at paghihiganti, tiyak na wala tayong matatanaw na katapusan sa karahasan. Ngunit naniniwala tayong gaya ng halimbawa ni Hesus at ng kanyang mga tagasunod, silang mga nag-alay ng sarili nang walang poot at hinanakit, kung hindi natin bibitiwan ang pag-ibig sa ating kapwa, isang pag-ibig na hindi nagsasawang yakapin ang mga nakagagawa ng mali, isang pag-ibig na naniniwala sa kabutihan ng bawat isa, walang karahasang hindi natin magagapi. Mahirap gawin ngunit ito ang mainam at mabuti.
Sumainyo ang katotohanan.