392 total views
Manila, Philippines– Nagpaabot ng panalangin ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) para sa Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle ang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples matapos na magpositibo sa COVID-19 pagbalik ng Pilipinas.
Ayon kay AMRSP Co-Executive Secretary Father Angel Cortez, OFM patuloy na ipinapanalangin ng mga relihiyoso at relihiyosa ang mabilis na paggaling ng lahat ng mga nahawaan ng COVID-19 kabilang na ang dating Arsobispo ng Maynila.
Tiwala ang Pari na maging mabilis ang paggaling ng Cardinal upang maipagpatuloy nito ang kanyang mga tungkulin at misyong dapat na gampanan.
Nilinaw ni Fr. Corte na sa gitna ng pandemic COVID-19 ay higit na kinakailangan ng mananamapalataya ang mga lingkod ng Simbahan na nagsusumikap maipadama ang habag at awa ng Diyos sa bawat isa tulad ng Kanyang Kabunyian Cardinal Tagle.
“Isang maalab na pagbati sa ating mahal na Cardinal, sa gitna ng krisis na ating kinahaharap kailangan natin ng mga taong katulad nya upang tayoy pagbuklurin. Baunin niya ang ating dasal at pagmamahal. Hangad natin ang kanyang mabilis na pagaling at lakas ng katawan upang muli sya makabawi at makabalik sa kanyang misyon. Hangad din natin ang pagaling ng libo-libo nating mga kababayan. Huwag tayong matakot, hindi tayo pababayaan ng Diyos!”pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radio Veritas.
Ika-11 ng Setyembre araw sa Vatican ay kinumpirma ng Holy See Press Office ang pagpopositibo at pagiging asymptomatic sa COVID-19 ni Cardinal Tagle matapos na dumating sa Pilipinas.
Umapela rin si CBCP Acting President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na isama sa mga panalangin at mass intentions ang mabilis na paggaling ni Cardinal Tagle na umuwi ng bansa para sa kanyang late summer break mula sa kanyang mga tungkulin sa Vatican.