174 total views
Hinihikayat ang mga mananampalatayang Filipino na ipanalangin ang dagliang paggaling at kaligtasan ni Filipino Cardinal Luis Antonio Cardinal Tagle-ang Prefect of the Congregation for Evangelization of Peoples’.
Si Cardinal Tagle ang dating arsobispo ng Maynila ay nagpositibo sa Covid-19 sa kaniyang pagdating sa Pilipinas nang sumailalim sa pagsusuri (Sept.10 oras sa Roma) ayon na rin sa kumpirmasyon ni Matteo Bruni ng Vatican Press Office.
Tiniyak naman ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang panalangin para sa kagalingan ni Cardinal Tagle. Si Bishop Santos ay ang kasalukuyang chairman ng CBCP-Pontificio Collegio Filipino.
“Let’s join together our hands in prayers to our almighty God for our beloved Cardinal Luis Antonio Tagle for his swift recovery. We humbly beg our dear God to help, to heal our Cardinal, as we offer Holy Masses for him,” ayon kay Bishop Santos. Ang Pontificio Collegio Filipino (PFC) sa Vatican ang tinutuluyan ni Cardinal Tagle kasama ang mga Filipinong pari na nag-aaral sa Roma.
Ayon pa kay Bruni, una na ring sumailalim sa swab test si Cardinal Tagle bago pa man ito umalis ng Roma (Sept.7) kung saan siya nakabase na may negatibong resulta.
Si Cardinal Tagle ay nagtungo sa Roma noong Pebrero, makaraan itong italaga ng Santo Papa Francisco sa isa sa pinakamataas na tanggapan ng simbahan. Bukod kay Cardinal Tagle, tatlo pang obispo ang nagpositibo sa Covid-19 kabilang na si Kalookan Bishop-emeritus Deogratias Iniguez, Manila Apostolic Administrator Broderick Pabillo at Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz. Si Archbishop Cruz ay pumanaw noong August 26 dahil na rin ng kumplikasyon dulot ng Covid-19.