337 total views
September 14, 2020-1:22pm
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Caritas Manila sa mga non-governmental organizations at mga negosyante dulot na rin ng tumataas na bilang ng mga nagugutom na pamilya sanhi ng patuloy na banta ng pandemya sa Pilipinas.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila, bukod sa pagtaas ng ‘hunger rate’ ay ang pagtaas din ng bilang ng malnutrisyon lalu sa mga kabataan.
“Dapat bigyan ng suporta ang mga mahihirap sapagkat sila ang direktang naapektuhan ng quarantine. We have to level up our nutrition program. We are trying to revise our food banking program para ma-address itong hunger,” ayon kay Fr. Pascual sa panayam ng Barangay Simbayanan.
Base sa pag-aaral ng Social Weather Station, may 5.2 milyon ng pamilya ang nakakaranas ng kagutuman simula pa noong Abril ang pinakamataas na naitala simula 2014 na dulot na rin ng pandemya.
“Tumaas ang hunger rate, at ang kapatid niyan ay malnutrition sa mga kabataan ng five million families according to the latest SWS survey. Kaya nakipag meeting ako sa business sector [on] how we can support the government dito sa matinding economic crisis na kaakibat ng health crisis,” ayon pa kay Fr. Pascua.
Ayon kay Fr. Pascual patuloy ang pakikipag-ugnayan ng simbahan sa iba’t ibang sektor upang magkatuwang na bigyang tugon ang lumalalang sitwasyon sa Pilipinas kaakibat na rin ng pandemya.
Hiling din ng pari sa pamahalaan kaugnay sa pagpapatuloy ng lockdown na maglaan ng tulong lalu na sa pinakaapektadong mamamayan na walang pagkakakitaaan.
Ilan pa sa mga programang isinagawa ng simbahan ang Hapagasa feeding program, at ang inilunsad na urban gardening o Gen129 na humihikayat sa bawat pamilya at pamayanan na magtanim ng mga gulay at prutas sa bakuran.
Ito ay isang tugon sa ‘food security’ na hindi lamang mura at masustansya ay makakatulong din ito sa immune system bilang pananggalang sa Covid-19.
Caritas Ligtas Covid-19 Campaign
Umaabot na sa 9.4 na milyong indibidwal o 1.8 milyong pamilya ang nabigyang ng tulong ng Caritas Manila simula nang ipatupad sa bansa ang iba’t ibang community quarantine dulot ng pandemic novel coronavirus.
Ayon sa ulat ng social arm ng Archdiocese of Manila, higit sa P1.6 bilyon na ang nakalap na donasyon ng Caritas Manila simula noong Marso nang ilunsad ang Ligtas Covid-19 Campaign.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring tumatanggap ng donasyon ang Caritas Manila lalu’t patuloy ang pagbibigay ng ayuda sa mamamayan na higit na naapektuhan ng pandemya kabilang ang transport sector o mga tsuper ng jeep na anim na buwan ng hindi nakakapamasada.
Kabilang sa mga naging benepisyaryo ng Caritas Manila ang mga pamayanan sa Metro Manila at 34 na diyosesisis sa buong bansa.
Bukod pa ito sa may limang libong college scholar’s ng Caritas Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) kung saan kabilang sa mga benepisyaryo ang mga anak ng jeepney drivers.