1,520 total views
September 18, 2020-12:10pm
Sang-ayon si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa panawagan ng mga environmental group sa pamahalaan na patunayang ligtas sa mamamayan at sa katiwalian ang beatification project sa Manila Bay.
“Humihingi sila ng Writ of Kalikasan para maging transparent itong project na ito,” programang Pastoral Visit on-air ng Barangay Simbayanan.
Ayon kay Bishop Pabillo, ito ay upang maalis ang agam-agam ng publiko sa panganib na maaring dulot ng Dolomite sa kalusugan ng tao, gayundin sa kalikasan lalut maraming umaasang mangingisda sa yamang dagat sa Manila Bay.
Giit pa ng obispo, “Nagsasabi rin nila na ang Manila bay is an active and very alive na bay, maraming mga isda, maraming shells ang nandiyan infact, pag gabi makikita natin na maraming life from the sea, ibig sabihin ang mga mangingisda dyan nabubuhay sila. Ano ang effect nyan sa pangingisda kasi siyempre may epekto yan, naglagay ka ng foreign body e. Makakatulong ba ‘yan talaga sa mga coral reef na mga nandoon?”
Sa ulat, umaabot sa P386 na milyon ang inilaan sa sanding project gayung P28 milyong lamang ang nagagamit para sa 3,500 na tonelada ng ‘Dolomite’ mula sa Alcoy, Cebu na itatambak sa 500 metrong haba at 60 metrong lawak na baybayin sa Maynila.
Hiling din ng obispo na maisapubliko ng kagawaran ang kanilang mga pinagbatayang pag-aaral para sa minamadaling proyekto.
“Bakit walang environmental input assessment na kapag ginalaw ang environment dapat may pag-aaral at iyon po ay batas na noon pang panahon ni Marcos. At naghahanap sila ng environmental compliance certificate. Dahil ang claimed ng mga tao ay hindi lamang ‘yan enhancement kundi reclamation na,” ayon kay Bishop Pabillo.
Hindi rin sang-ayon si Bishop Pabillo sa paglalaan ng pondo ng pamahalaan sa proyekto sa pagpapaganda ng Manila Bay gayung mas higit na kailangan ang pagtutuon sa salapi ng bansa sa kasalukuyang krisis na dulot ng pandemya.
“Mayroon tayong principle na ginagamit sa ecology at iyon po ay precautionary principle, kapag may pagdududa ang isang project ay makakasira sa kalikasan o kaya sa health ay huwag nang ipagpatuloy hanggang maresolve yung duda,” giit pa ng Obispo.
Kaya’t panawagan ng obispo at mga environmental group sa pamahalaan na ihinto muna ang pagtatambak ng Dolomite sand sa Manila bay at ipaliwanag sa publiko kung bakit nararapat na ipagpatuloy ang proyekto.