2,735 total views
September 24, 2020-11:32am
Binigyang diin ng makakalikasang grupo ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, lalu na ang Sierra Madre, ang pinakamahabang Mountain Range sa Pilipinas na sumasakop mula sa mga lalawigan ng Cagayan hanggang Quezon.
Ayon kay Fr. Pete Montallana-Chairperson ng Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA), napakahalaga ng patuloy na pangangalaga sa Sierra Madre dahil sa biodiversity na matatagpuan dito na maaaring magamit ng kalikasan upang maging pangontra sa mga virus sa kapaligiran.
“Mahalagang-mahalaga ang patuloy na pangangalaga natin sa Sierra Madre kasi marami tayong mga biodiversity, mga hayop at tsaka halaman na pwedeng nagagamit ng kalikasan para labanan ‘yung mga viruses na nasa paligid natin.”, ang pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Radyo Veritas.
Paliwanag pa ng pari na malaki ang naitutulong ng Sierra Madre lalo na ngayong nararanasan ang global warming maging sa panahon ng mga kalamidad tulad ng mga bagyo.
Dahil ang mga punong kahoy ng kabundukan ang sumisira o bumabasag sa mata ng bagyo na nagiging dahilan ng paghina nito bago pa lamang ito mag-landfall.
“Bukod sa ang Sierra Madre ngayong grabe na ‘yung global warming, lalong mainit na at tsaka maulan, depende ay ang Sierra Madre ang siyang nagtatanggol pa sa atin sa mga effects ng climate change katulad ng sa bagyo. ‘Pag tumama ang bagyo sa Sierra Madre, binabasag niya yung bagyo. Kaya mahalagang-mahalagang pangalagaan ‘yun. Kasi kung wala na tayong Sierra Madre, ang lakas ng bagyo ay kasing lakas ng dumating sa atin.”, paliwanag ng pari.
Ang kabundukan ng Sierra Madre na tinaguriang “The Back Bone of Luzon”, ay may lawak na halos 287, 861 hektaryang lupa at halos 76, 625 hektaryang Coastline water.
Taong 1992 nang idineklara itong kabilang sa National Integrated Protected Area System.
Binubuo ito ng 1.4 na milyong hektarya ng kagubatan na katumbas ng 40-porsyento mula sa kabuuang sukat ng kagubatan sa Pilipinas.
Ipagdiriwang sa ika-27 ng Setyembre ang Save Sierra Madre Day, na idineklara ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong taong 2012, bilang pagpapaigting ng pangangalaga sa kabundukan at pag-alala sa mga naging biktima ng matinding pagbaha na dulot ng bagyong Ondoy.