256 total views
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, tayo po ay magpasa lamat magpuri sa Diyos dahil tinipon niya tayo ngayong umaga upang sa pagdiriwang ng eukaristiya tayo ay kanyang mapalakas at mapanibago sa pamamagitan ng kanyang salita, ng katawan at dugo ni Hesus at ng esperitu santo na ibibigay sa atin para maging tunay na katawan ni Kristo, bayan ng diyos at templo ng banal na esperitu.
Nagpapasalamat po tayo sa pagsapit ng ika- 65-anibersaryo ng pagkakatatag natin bilang parokya. Ito ay biyaya ng Diyos at ito rin po ay isang malaking responsibilidad.
Kung tayo ay taga-pagmana ng pananampalataya ng ipinunla sa parokyang ito 65 years ago, ano naman ang ating ipapasa sa susunod na henerasyon?
May mga parokya na unti-unti nang lumiliit, galing lang po ako sa World Youth Day sa Poland. Maraming Obispo, pari, religious, mga lay people na aming nakasalamuha galing sa ibang bansa.
Yung isang obispo sa Germany sabi niya sa akin, hirap na hirap ako, sabi ko bakit po? Hirap na hirap ako sa pagsasara ng parokya. Sabi ko bakit kayo magsasara? kasi may mga parokya na 20 na lang ang parishioners.
Sabi ko sa inyong bansa kilalang-kilala kayo sa pagiging mga Katoliko, bantayog ng pananampalataya tapos ngayon nagsasara na. Mayroon nga raw isang simbahan malaking basilica, ang misa ay ginaganap na lamang sa isang side chapel, hindi na sa gitna kasi ang nagsisimba naman ay kasya na doon sa gilid.
Kaya tayo po nagpapasalamat 65 years, pero hindi lamang ito yung kami umabot na kami 65 may 20 percent discount baka mga 20 percent discount din ang mga nananampalataya, baka hindi lang nag-20 percent discount sa gamot, sa sine, sa pedicure, manicure, pamasahe at kung anu-ano.
Ang nakakatakot baka taun-taon 20-percent din ang dini-discount sa pananampalataya. Kapag dumating ang ika-100 taong anibersaryo ng parokya, ano kaya ang mukha ng parokya?
Kaya ang ating pagdiriwang ay may kasamang pananagutan, ang ipinagdiriwang natin ay hindi yung nakapagpatayo ng magandang gusali, hindi ang parokya ay sambayanan ng pananampalataya.
Yang mga sinasabi kong halimbawa ay mas magaganda pa ang simbahan nila sa Germany pero kung walang lamang tao pangit yan, mas gusto ko pa ang kapilya na gawa sa nipa pero umaapaw sa pananamapalataya.
65 na kami, ang tanong diyan kumusta ang pananampalataya? kamusta ang ugnayan sa Diyos? kumusta ang ugnayan kay Hesus? kumusta ang ugnayan sa esperitu santo? yan diyan tayo nagiging parokya. At kumusta ang uganayan sa isat-isa, nakikita ba sa atin nanananahan ang Diyos?
Mapalad tayo dahil ang mga pagbasa ay tungkol sa pananampalataya, napakayaman po pero magbibigay pansin lamang ako sa ilang bahagi ng pananampalataya.
Una, ang pananampalataya ay pagtitiwala sa Diyos, kahit ang hinihingi ng Diyos o ang sinasabi ng Diyos ay parang imposible o mahirap tanggapin pero dahil ang nagsasalita ay ang Diyos, magtitiwala ako.
Iyan ang ipinakita ni Abraham, ni Sarah at ng ating mga ninuno sa pananampalataya, ayon sa ikalawang pagbasa. Hindi madali para kay Abraham na paalisin sa kanyang hometown para lumipat sa isang lugar na hindi naman sigurado gaganda ba ang buhay niya, pero nagtiwala siya sa Diyos, alam natin si Abraham at si Sarah ay hindi magkaanak, pero sabi ng Diyos magkakaroon ka ng maraming anak kasing dami ng mga bituin at buhangin.
Eh hindi nga makaisang anak, papano magkakaroon ng ganung karami?
Pero dahil ang Diyos ang nagsalita naniwala nagtiwala si Abraham at si Sarah yan po ang unang aspeto ng pananamplataya, saan ba tayo nagtitiwala?
Kaya ang paalala ni Hesus sa ebanghelyo, baka naman ang ating tiwala ay sa kayamanang makalupa kaya maraming tao nag-accumulate ng pera, nag-aaccumulate ng makakain, nang maisusuot kasi ang tiwala nila ay naroroon sa pananampalatya sa Diyos.
Ang ikalawa po, ang tiwala at pananalig pinapakita sa gawa sa pagtalima sa Diyos.
Kasi madali namang sabihin oo nga tanggap ko ang salita ng Diyos, nagtitiwala ako sa Diyos pero kapag gagawin na ibang usapan na yan. Iba na madali yung magsabi na nagtitiwala ako sa Diyos pero yan ba ay maipapakita ko sa gawa?
Katulad ni Abraham, ginawa niya ang kalooban ng Diyos, katulad ng mga Israelita sa unang pagbasa, iniutos ng Diyos kumain kayo ng hapunang pampaskuwa, maghanda kayo palalayain ko kayo.
Parang mahirap paniwalaan, nagtiwala sila pero ginawa ang tiwala na umuuwi sa gawa.
Masarap sana magtesting, di ba sabi ni Hesus kapag sinampal ka sa kanang pisngi ibigay mo pa ang kabila o tayo naman oo nga, oo nga, subukan kaya natin.
Tayo kapag sinampal hindi lang sampal ang ibinibigay natin, minsan yung gawa hindi tumtugma doon sa sinasabi kong aking pinaniniwalaan.
Sabi ni Hesus hindi lamang pitong beses ka magpapatawad kundi maka pitong pitumpong beses, tayo nakadalawa ka na kapag tumatlo ka na humanda ka sa akin aba 70 times 7.
Sabi ni Hesus magmahalan kayo tulad ng pagmamahal ko sa inyo, simpleng bagay eh ano ho, minsan nga komunyon nagtutulakan pa.
Parang mauubusan, so may tiwala pero tiwala na nakikita rin sa gawa, sa kilos ayon sa kalooban ng Diyos.
At ang ikatlo po, ang pananampalataya ay ang mabuhay sa piling ng Diyos lagi, ang pananampalataya ay ang mabuhay lagi sa piling ng Diyos.
Hindi yung alas-otso hanggang alas-nueve konektado ako sa Diyos, alas-nueve, alas- diyes kalimutan ko muna ang Diyos, alas- diyes hanggang alas-onse balik na naman ako sa Diyos, tapos alas-onse hanggang alas-dose pagbigyan ko muna ang sarili ko, kalimutan muna ang Diyos. Alas-tres ay naku divine mercy yan kapiling ko ang Diyos, 3:10 tapos na ang divine mercy, di tong-its naman ako.
Iyan ang binabatikos ni Hesus sa ebanghelyo, meron daw mga alagad na pinagtiwalaan niya at ang ibinibigay na halimbawa ay yung katiwala, yung amo may pinagkatiwala sa manggagawa, umalis ang amo nagbakasyon, ano ang ugali ng katiwala? Wala naman ang amo ko hindi naman niya nakikita ang ginagawa ko, at dahil sa isip niya binura niya ang amo niya, hindi na rin niya naisip na baka bumalik kahit anong oras, talagang binura na niya ako na ngayon ang nandito wala ang amo anong ginawa, nag- abuso! Pinagsamantalahan ang ibang mga kasambahay, naging mayabang, naging mapagsamantala.
Ang aral po sa atin kung may pananampalataya, tayo lagi nasa piling ng Diyos at kapag naiisip natin ang Diyos at nakikita natin ang Diyos lagi. Magda-dalawang isip ka sa iyong mga ikikilos galit na galit ka na pero huwag mong alisin ang Diyos nandiyan ang Diyos para yung galit mo hindi umuwi sa pagkamuhi at pananakit sa iyong kapwa.
May asawa ka na, may tumabi sa iyo sa simbahan na pagkaganda-ganda, huwag mo isipin na wala naman ang misis ko ngayon nasa Hongkong, wala naman ang Diyos kaya tingin na nga ako. HINDI, nandiyan ang Diyos.
Sakit daw natin yan kapag may pulis, sunod wala namang pulis eh hindi na. Parang kailangan tayong takutin lagi para gumawa ng mabuti.
Ang taong gumagawa ng mabuti dahil lamang natatakot hindi kumbinsido yan, kapag nawala na ang takot abuso ulit.
Ang pananamplataya hindi ganyan, ang pananamplataya hindi ko kailangang takutin pa ako, hindi ko kailangan na ako ay pangakuan ng gantimpala, gagawin ko ang mabuti dahil mabuti ito.
Hindi ko kailangan na ako’y takutin, hindi ko kailangan na ako’y pangakuan ng pabuya, gagawin ko ito dahil sa Diyos.
At kapiling ko ang Diyos lagi kaya ang aking salita, ang aking gawa, ang aking ugnayan hindi ko iniisip wala naman ang Diyos.
Noong bata kami kapag Biyernes Santo may biruan noon eh, o patay na si Hesus puwede na tayong gumawa ng kahit ano, patay siya eh. Bakit ganun ang pananampalataya hindi panaka-naka, consistent, hinanap ko ang Diyos, kapiling ko ang Diyos, kumikilos ako ayon sa Diyos, lagi-lagi.
Ito po ang tatlong aspeto ng pananampalataya na sana ay hilingin natin sa Diyos na bilang biyaya at atin ding maipasa sa susunod na henerasyon, pananalig at pagtitiwala sa Diyos higit sa lahat. Huwag ipagpapalit ang Diyos, siya ang ating pinagkakatiwalaan.
Ikalawa, pagtitiwala na isinasagawa, kumikilos ayon sa narinig natin sa Diyos.
At ikatlo, mabuhay lagi, minu-minuto, segu- segundo sa piling ng Diyos hindi seasonal hindi yung kapag Biyernes Santo magpapako para raw mapatawad tapos buong taon kinakalimutan ang Diyos.
Hindi, ang pananamplataya ay ang ating consistent na buhay.
Tayo po ay tumahimik sandali at hilingin natin sa Diyos, ang biyaya ng malalim na pananampalataya gayundin ang lakas upang ito ay ating maibahagi at maipasa lalu na sa kabataan at sa mga susunod pang henerasyon, sa ating parokya.