194 total views
Pinamamadali na ng Employer’s Confederation of the Philippines o ECOP ang pagsasabatas ng Income Tax Reform Bill upang matutukan na ang hindi makatwirang sistema ng pagbubuwis sa bansa.
Ayon kay Donald Dee, presidente ng ECOP na dahil ang Pilipinas ay kabilang ngayon sa may pinakamataas na Income Tax Rates sa ASEAN Region ay natatakot ang mga investors na magtayo ng negosyo dito sa Pilipinas.
“Tama po yun, dahil karamihan ng nasa atin ang tax natin ay mas mataas kaysa sa ibang mga bansa. Kaya tuloy ang mga investor pumupunta dun sa ibang mga bansa hindi sa atin. Kaya nakikita sa data natin tayo sa ASEAN ang pinakamababa na direct foreign investment,” bahagi ng pahayag ni Dee sa panayam ng Veritas Patrol.
Kumpiyansa naman si Dee sa nauna nang naipangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na isusulong na nito ang pagpapababa ng Income Tax Rate upang maka –akit pa ng maraming foreign investors at maging inklusibo ang takbo ng ekonomiya.
“Actually si Presidente Duterte at ang Secretary of Finance sinasabi nila isusulong nila gagawin nila yan then may agreement na lahat ng sektor ay gagawin talaga nila nakikita nga na. Para dumami ang iimpok sa bansa natin at dadami ang trabaho para makatulong sa taumbayan at ang economic growth natin ay maging inclusive,” giit pa ni Dee sa Radyo Veritas.
Nauna na ring nangako si Senator Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Ways and Means na isusulong nito ang Senate Bill 130 at 137 na pagpapababa hanggang 25 porsyento ng personal at Corporate income Tax Rates para maging mas competitive ang bansa.
Paulit-ulit na ring binanggit ni Pope Francis ang Trickle down Theory na dapat ay maramdaman ng mga mahihirap ang kaunlarang natatamasa ng bansa.