349 total views
Hindi dapat na gamiting sangkalan o dahilan ang COVID-19 pandemic upang labagin ang Saligang Batas.
Ito ang binigyang diin ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa rekomendasyon na ikonsidera ang pagpapaliban ng 2022 National and Local Elections dahil sa banta ng COVID-19.
Ayon kay PPCRV Executive Director Maria Isabel Buenaobra, hindi dapat na labagin ang mandato na nasasaad sa Saligang Batas na pagkakaroon ng regular na eleksyon sa Pilipinas na pagsasakatuparan ng boses at mithiin ng taumbayan sa pagluluklok ng mga opisyal ng bayan.
“Hindi po sang-ayon ang PPCRV diyan [sa pagkakansela ng 2022 Elections] kasi po mandato po yun na kailangan ay maisagawa ang 2022 Elections at ito ay kailangan boses ng tao at boses ng bayan ang pakinggan at saka hindi dapat gawing sangkalan ang COVID-19 para magsagawa ng mga bagay na labag sa Saligang Batas. Ayon sa ating Konstitusyon kailangan magkaroon ng regular election dahil ito’y isang pagkakatuparan ng hindi lamang mithiin ng tao kundi ng kanilang karapatan para bumoto.” pahayag ni Buenaobra sa panayam sa Radio Veritas.
Iginiit ni Buenaobra na bagamat maraming limitasyon sa banta ng COVID-19 ay hindi ito sapat na dahilan upang ipagpaliban ang halalan.
Nilinaw ni Buenaobra na masyado pang maaga na pag-usapan ang pagpaliban ng 2022 National and Local Elections.
Naniniwala rin si Buenaobra na marami pang ibang suhesyon na mga paraan na maaring suriin ang COMELEC para matuloy ang halalan.
“Alam naman natin na takot ang mga tao sa COVID pero pwede namang paghandaan yan, ibig sabihin po as long as ang COMELEC ay magsasagawa ng mga alituntuning alinsunod sa health guidelines at compliance sa isang panahon ng pandemya, magagawa po yan. Marami pang mga suhesyon tungkol diyan halimbawa yung online registration pati po yung pagsasagawa halimbawa ng hindi lang isang araw kundi several days of election…” Dagdag pa ni Buenaobra.
Tiniyak naman ni Buenaobra ang kahandaan ng PPCRV na makipagtulungan sa COMELEC at sa iba’t ibang institusyon o grupo upang matiyak na maayos, mapayapa at matapat na maidaos ang halalan sa bansa.
Sa pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pondo ng Commission on Elections para sa susunod na taon ay inirekomenda ni Deputy Majority Leader at Pampanga Representative Juan Miguel Arroyo sa COMELEC na ikonsidera ang pagpapaliban ng 2022 National and Local Elections dahil sa banta ng COVID-19.