384 total views
October 3, 2020-1:10pm
Tinukoy ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle-Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples ang kahalagahan ng paggunita sa Season of Creation lalo ngayong nahaharap ang mundo sa krisis dulot ng pandemya.
Sa kanyang video message, sinabi ni Cardinal Tagle na ito ang panahon upang ipagdiwang sa pamamagitan ng pananalangin, lalo’t higit sa banal na misa, ang kabutihan ng paglikha na simbolo ng biyaya at pag-ibig ng Diyos sa atin.
“It is a season which is liturgical, to celebrate in prayer, and especially in the Eucharist, the goodness of creation, signs of God’s bounty and love.”, ang bahagi ng recorded video message ni Cardinal Tagle sa Vatican bago magbakasyon sa Pilipinas.
Ang dating Arsobispo ng Maynila ay una na ring nagpositibo sa Covid-19 pagdating sa bansa para sa maigsing bakasyon at kabilang na rin sa mga gumaling mula sa karamdaman.
Paliwanag ng Cardinal na ang Season of Creation ay mayroong social ecological message na ang pangangalaga natin sa mga nilikha ng Diyos ay makikita sa ating pag-uugali tungo sa pamumuhay maging sa sangnilikha.
“The Season of Creation, is a celebration with a clear social ecological message, for the way we deal with creation is also carried over to our attitude toward life and human beings,” ayon sa Cardinal.
Dagdag pa ng opisyal ng Vatican na ito ay panawagan na rin upang muling matuklasan ang bokasyon bilang mga tagapangasiwa ng kalikasan na kadalasan, dahil sa epekto ng mga makamundong bagay ay nakalilimutan na ng mga tao na sila ang tagapangalaga nito.
“It is also a call to rediscover our vocation as stewards of creation. Very often, we behave like owners and forget that we are caretakers,” dagdag pa niya.
Muli namang inalala ni Cardinal Tagle, ng may galak at pasasalamat ang paggunita sa Season of Creation sa Diocese ng Imus, na kanyang naging unang diyosesis at sa Archdiocese of Manila na kung saan naman siya naging Cardinal.
Hinikayat din nito ang bawat isa na gunitain sa nasabing pagdiriwang ang pakikipag-ugnayan sa kalikasan maging sa bawat pamilya sa mga tahanan, lalung-lalo na sa mga mahihirap.
Ang Season of Creation ay nagsimula noong unang araw ng Setyembre at magtatapos sa ika-4 ng Oktubre-ang kapistahan ni San Francisco ng Assisi na patron ng kalikasan.