1,063 total views
Hinikayat ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na basahin at unawain ang panibagong liham o encyclical na inilathala ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, nakabatay ang ikatlong encyclical ni Pope Francis sa mga aral at tinuran ni St. Francis of Assisi na may titulong ‘Fratelli tutti’ sa salitang Italian na nangangahulugan ng “All Brothers”.
Iginiit ng Obispo na napapanahon ang ikatlong encyclical ng Santo Papa na tumatalakay sa ‘pagkakapatiran’ lalo na sa kasalukuyan panahon kung saan ang buong daigdig ay humaharap sa banta ng Coronavirus Disease 2019.
“Ang bagong liham ni Papa Francisco ‘Fratelli tutti’ yan po ay nakatuon din sa mga sinabi ni St. Francis of Assisi sa salitang yun ‘Fratelli tutti’ ibig sabihin lahat tayo ay magkakapatid at ito po ang paksa ng kanyang liham ang kapatiran ng lahat ng mga tao, sa paglabas ng liham basahin natin ito magandang katuruan po sa atin sa ating panahon ngayon…” pahayag ni Bishop Broderick Pabillo sa Radio Veritas.
Ika-apat ng Oktubre ng opisyal na lagdaan ng Santo Papa ang ikatlong encyclical matapos ang kanyang isinagawang misa bago ang kapistahan ni St. Francis of Assisi sa mismong libingan ng Santo.
Isinapubliko ang ‘Fratelli tutti’ noong ika-5 ng Oktubre na kapistahan ni San Francisco de Asis.
Nilalaman ng bagong encyclical ng mga pagninilay ni Pope Francis patungkol sa human fraternity at social friendship lalo na sa gitna ng COVID-19.
Ang ‘Fratelli tutti’ ang magsisilbing ikatlong encyclical ni Pope Francis kasunod ng ‘Lumen Fidei’ na sinimulan ni Pope Emeritus Benedict the 16 at ang Laudato Si’ na inilathala noong 2015.