386 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines -Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) sa mga mananampalataya na makiisa sa pagdarasal ng ‘Prayer for Restorative Justice and Second Chances Advocates’ para sa makatarungang lipunan na nagbibigay halaga sa buhay at dignidad maging ng mga nagkasala sa kapwa.
Ayon kay Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon – chairman ng kumisyon hango ang naturang panalangin sa bagong encyclical ng Kanyang Kabanalan Francisco na Fratelli tutti kung saan nasasaad na hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang pagpapataw ng parusang kamatayan.
Umaapela ang Obispo na usalin ang panalangin tuwing alas-otso ng gabi mula ngayong ika-10 ng Oktubre na World Day Against the Death Penalty hanggang sa Human Rights Day sa ika-10 ng Disyembre.
Iginiit ni Bishop Baylon na hindi mababago ang paninindigan ng Simbahan laban sa patuloy na pagnanais na maibalik ang capital punishment sa bansa.
Ayon sa Obispo, ang bawat indibidwal maging ang mga makasalanan ay dapat na bigyan ng pagkakataong makapagsisi at makapagbagong buhay sa halip na patawan ng kamatayan.
“The Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) reiterates our strong opposition to capital punishment. The death penalty violates the inherent dignity of a human person, which is not lost despite the commission of a crime. No person, no matter how evil he is perceived to be, is beyond reformation.” pahayag ni Bishop Baylon.
Binigyan diin ng Obispo na walang direktang epekto ang pagkakaroon ng capital punishment sa pagpapababa ng kriminalidad sa lipunan.
Inihayag ni Bishop Baylon na hindi naaangkop ang capital punishment sa Pilipinas lalo na sa kasalukuyang sistema ng katarungan sa bansa na pumapanig sa mga may kapangyarihan at mayayaman.
Pagbabahagi ng Obispo sa halip na punitive o pagpapataw ng mabigat na kaparusahan ay mas dapat na umiiral restorative justice sa bansa na pagbibigay ng pangalang pagkakataon sa mga nagkasala.
“The death penalty is nothing but vengeance and punishment. True justice must be restorative, never merely punitive. It should give the person the chance to change for the better, no matter how slim the chance may be. The death penalty is anti-poor and marginalized. Experience shows that most, if not all persons meted the death penalty are poor and uneducated, who cannot afford quality legal representation to defend them.” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Paliwanag ng Obispo sa halip na ibalik ang parusang kamatayan sa bansa ay mas dapat na magsumikap ang mga otoridad na ganap na maipatupad ang kasalukuyang mga batas sa bansa na tunay na solusyon sa kriminalidad sa lipunan.
Bukod dito, umapela rin si Bishop Baylon sa pamahalaan na kasabay ng pagsasaayos ng sistema ng katarungan sa bansa ay dapat din tutukan ang kalagayan ng mga mamamayan lalo na sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic na mas nagpapahirap sa lahat upang maiwasan na mabiktima ng sitwasyon ang mga walang-wala sa buhay.