361 total views
Ikinatuwa ng Military Ordinariate of the Philippines ang pagkabilang ng isang Filipino sa Pontifical Swiss Guard ng Vatican.
Umaasa si Bishop Oscar Jaime Florencio na maipapamalas ni Lt. Vincent Luthi ang pagiging masigasig ng mga Filipino sa paglilingkod sa Santo Papa at sa simbahan.
“Congrats to Lt Vincent Luthi for having been enlisted into the Swiss Guards; May you have the true courage and enthusiasm of a true blooded Filipino at the service of the pope and the church,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ayon sa pinuno ng military diocese mabigat ang tungkuling gagampanin ni Luthi sapagkat ito’y magsisilbing tagaprotekta sa Santo Papa.
Tiwala si Bishop Florencio namaagagampanan ito ng mga bagong talagang Swiss Guard. Iginiit din ni Bishop Florencio na ito’y magandang pagkakataon din upang lumago ang pananampalataya sa Diyos.
“Even if the task is heavy this is an opportunity for a spiritual bonding and an opportunity for growth culturally because the Rome and Vatican have many things to offer,” dagdag ni Bishop Florencio.
Si Luthi na tubong Cugy, Switzerland ay nag-iisang anak nina Claude Luthi na isang Swiss National at Marma Marigomen na taga Santa Fe Bantayan Island Cebu.
Noong kabataan ni Luthi, aktibo ito sa paglilingkod sa kanilang parokya bilang bahagi ng altar server ministry. Isinagawa ang kanyang military obligations sa Tank Grenadiers at natapos ang Armor and Artillery Officers School kung saan nakuha ang rango ng pagiging lieutenant noong 2019.
Lumahok si Luthi sa pangkat ng Pontifical Swiss Guard noong Enero at pormal na nanumpa kay Pope Francis noong ikaapat ng Oktubre sa Vatican. Ang Pontifical Swiss Guard ay itinatag ni Pope Julius II noong 1506 na layuning protektahan ang Vatican, Apostolic Palace at ang Santo Papa.
Ang mga hihiranging Swiss Guard ay mga lalaking walang asawa na edad 19 hanggang 30 taong gulang at nakapagtapos ng basic military training sa Swiss Army.
Sa kasalukuyan may 135 ang bilang ng mga Swiss Guard na naglilingkod sa Vatican City.