460 total views
Hinihintay ng pamunuan ng Arkidiyosesis ng Maynila ang lokal na pamahalaan na maglabas ng panuntunan upang makapaglatag ng plano para sa Simbang Gabi.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo,chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity, kinokonsidera ng simbahan ang kautusan ng pamahalaan lalo na sa pagpatupad ng oras ng curfew.
“Naghihintay kami sa mga Local Government Units (LGUs) especially about the curfew; hinihingi lang namin na gawing 3:30am ang end of curfew during those days (simbang gabi) and no curfew on December 24 evening,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Ito ang pahayag ng obispo kasunod ng panawagan ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na maglabas ng plano kaugnay sa simbang gabi.
Sa tradisyon ng mga Filipino ito ang siyam na araw na paghahanda sa Kapanganakan ni Hesus na ipinagdiriwang tuwing ika – 25 ng Disyembre.
Magsisimula ang simbang gabi sa ika – 16 ng Disyembre at magtatapos naman sa ika – 24 ng buwan.
Magugunitang simula nang magpatupad ng community quarantine ang bansa ay sumusunod ang simbahan sa mga panuntunang ipinatutupad bilang pakikiisa sa kampanyang pangalagaan ang kalusugan ng mananampalataya.
Sa kasalukuyan ay mula alas – 10 ng gabi hanggang alas – 5 ng umaga ang curfew hours na ipinatutupad sa Metro Manila kung saan limang lungsod ang nasasakop ng arkidiyosesis ang Manila, Makati, Pasay, Mandaluyong at San Juan.
Bagamat pinapayagan na ang mananampalataya sa pagdalo ng mga misa sa simbahan ay patuloy pa rin ang online livestreaming ng mga misa.
Patuloy din ang Radio Veritas sa pag-ere ng mga misa kabilang na ang simbang gabi na mapakikinggan at mapapanuod sa Radyo Veritas Ph Facebook page alas 5:30 ng umaga at alas 6 ng gabi.