455 total views
Ang mundo ay ipinagkatiwala lamang sa atin na nararapat pangalagaan at pakaingatan.
Ito ang mensahe ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos- Vice-Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People para sa pagdiriwang ng World Rainforest Week.
Ayon kay Bishop Santos, hiram lamang natin sa Diyos na tagapaglikha ang lahat ng yaman ng mundo.
“We are God’s stewards. Earth is just entrusted to our care. We don’t own it. We owe her to God. So we must be faithful, responsible caretakers of the world we live in. It is only one we have. If we abused or misused, we will be the the one to suffer,” ang mensahe ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Hinikayat naman ng obispo ang bawat isa na pangalagaan ang mga kagubatan at tigilan na ang pagpuputol ng mga punongkahoy at pagsasagawa ng pagmimina na nagdudulot ng malaking pinsala di lamang sa kalikasan, maging sa mga pamayanan.
Dagdag pa ni Bishop Santos na hindi dapat isaalang-alang ng tao ang likas na yaman ng mundo para lamang sa salapi at pag-unlad ng ekonomiya.
“Let us preserve it from loggings, minings, and any natural exploitation. We should never sacrifice our natural resources for profits, nor use it in the name of urbanization,” ayon sa obispo.
Ipinagdiriwang ang World Rainforest Week tuwing ika-12 hanggang ika-18 ng Oktubre ng kada taon na naglalayong magbigay ng kamalayan at hikayatin ang bawat isa na pangalagaan ang mga kagubatan sa buong mundo.
Batay sa ulat ng United Nations Food and Agricultural Organization, patuloy ang pagpuputol ng mga punongkahoy at pagkasira ng kagubatan na nagdudulot ng malalang epekto sa patuloy na pagkawala ng biodiversity ng mundo.
Nagreresulta ito sa paglawak ng mga nauubos na kagubatan na aabot na sa higit 80-milyong ektarya magmula pa noong taong 1990.
Nasasaad naman sa Laudato Si ni Pope Francis, lahat tayo ay maaaring makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan batay sa ating sariling kultura, karanasan, at talento.