335 total views
Nagpaabot ng pasasalamat ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) sa mga Volunteers in Prison Service (VIPS) na nagsusumikap na tugunan ang pangangailangan ng mga bilanggo sa kabila ng banta ng pandemya.
Ito ang mensahe ni Fr. Nezelle Lirio-executive secretary CBCP-ECPPC sa pagsisimula paggunita ng Prison Awareness Week ngayon taon. Ayon sa pari, mahalaga ang ginagampanan ng mga VIPS bilang katuwang ng Simbahan sa pagkalinga sa mga bilanggo lalo na ngayong panahon ng pandemya na higit na mapanganib na makahawa sa mga bilanggo lalu’t siksikan ang mga bilangguan.
“I am very hopeful and grateful that our VIPS are indeed very resourceful and never frightened by this situation. They can find ways on how to keep this celebration be observed to continuously spread the unconditional love of God that brings hope and restore justice. My dear VIPS, thank you in tirelessly proclaiming god’s unconditional love in every way you can,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Lirio sa panayam sa Radio Veritas.
Pinapurihan din ni Fr. Lirio ang katapangan at pagsusumikap ng volunteers upang maidapama sa mga bilanggo ang pag-ibig ng Panginoon kasabay ng pagbibigay ng pag-asa sa mga ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mabuting salita ng Diyos.
Tema ng 33rd Prison Awareness Week ngayong taon ang “Restoring Hope and Healing During This Time of Pandemic through God’s Transforming Unconditional Love” na gugunitain mula ika-19 hanggang ika-25 ng Oktubre. Layunin ng taunang paggunita ng Prison Awareness Week na pukawin ang damdamin ng mga mamamayan na bigyang pansin ang kalagayan ng mga bilanggo sa buong bansa.
Sa tala ng kumisyon may aabot lamang sa 2,500 ang bilang ng mga volunteer sa buong bansa na katuwang ng simbahan sa pagkakaloob ng iba’t ibang programa upang makatulong at bigyan ng panibagong pag-asa ang mga bilanggo na muling makapagbagong buhay.