159 total views
Inilunsad ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care ang libro na “Affirm an option for life, a source book on death penalty and justice that heals” sa CBCP chapel, Intramuros, Manila.
Ayon kay Rudy Diamante, executive secretary ng komisyon, layon ng aklat na tutulan ng maraming katoliko at ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagbabalik ng parusang bitay sa Pilipinas.
Inihayag ni Diamante na anumang uri ng pagpatay maging kriminal o hindi ay tinututulan ng Simbahang Katolika dahil ang buhay ay sagrado at banal.
Sinabi ni Diamante na ang isinusulong ng Simbahan ay alternatibong mga pamamaraan upang magkaroon ng paghilom sa mga naging biktima at sa mga nakagawa ng krimen.
“Actually noon pang 1996 yun kasi nga mayroon move ngayon ang ating pamahalaan na ibalik ulit yung parusang bitay, so sa palagay namin baka makatulong itong aklat na ito na nagdo-dokumento kung bakit hindi dapat ibalik ang parusang bitay.So the book contains yung latest pronouncement ni Pope Francis regarding the issue on death penalty. Yung mga reason kung bakit ang CBCP ay tumututol sa pagbabalik nito at yung ating alternatibo na ano ba yung ating isinusulong yung parusang tinatawag nating makakapagpahilom ng sugat hindi yung makapgpapalala,”pahayag ni Diamante.
Tiwala si Diamante na sa pamamagitan ng aklat na ito ay patuloy nating malabanan ang kultura ng kamatayan na umuusbong sa ating bayan gaya ng pagbuhay ng pagsasabatas ng parusang bitay.
Samantala, marami nang bansa na mayroong death penalty ang nakapagpatunay na hindi mabisang solusyon ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa pagsugpo ng kriminalidad tulad ng Pakistan kung saan noon 2014 ay sinuspende ang death penalty.
Ang Pakistan ay kabilang sa tatlong nangungunang mga bansa na mayroong pinakamalaking bilang ng mga napatawan ng parusang kamatayan kasama ang Iran at Saudi Arabia.