351 total views
Nagpaabot ng pagbati si Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo sa bagong hirang na Cardinal ng Pilipinas na si Cardinal- elect Capiz Archbishop Jose Advincula.
Ayon kay Cardinal Quevedo, isang karangalan din na kanyang personal na natunghayan ang naging paglalakbay ni Cardinal-elect Advincula mula sa kanyang pagtatapos ng pag-aaral sa Roma hanggang sa hirangin ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang isang bagong Cardinal ng bansa.
Ibinahagi ni Cardinal Quevedo na mula pa noong-una ay naipamalas na ni Cardinal-elect Advincula ang kanyang tapat at pagsusumikap na maging lingkod ng Panginoon sa pagpapalaganap ng ebanghelyo mula sa pagtuturo sa mga kabataang nagnanais na maging lingkod ng Simbahan sa Vigan School of Theology hanggang sa siya ay maging isang ganap na Obispo ng Diocese of San Carlos at Arsobispo ng Capiz.
“With great joy I extend my personal congratulations to our newest Filipino Cardinal and my good friend, Cardinal Jose Advincula. I was very happy to see him teach at the Vigan School of Theology after he finished his studies in Rome. He returned to Roxas City where he later became a Bishop.”pahayag ni Cardinal Quevedo sa panayam sa Radio Veritas.
Sinabi ni Cardinal Quevedo na napakagandang balita ng pagkakahirang ng Santo Papa Francisco kay Cardinal-elect Advincula upang magsilbi bilang kanyang bagong katuwang at taga-payo sa pamamahala ng Simbahang Katolika sa bansa.
Tiwala rin ang Cardinal na malaki ang maiaambag ng talento, karanasan at karunungan ni Cardinal -elect Advincula upang ganap na maisakatuparan ng Simbahan ang misyon nitong ipalaganap ang Salita ng Diyos sa sangkatauhan.
“I’m even more happy now that the Holy Father has given him the red hat. At 64, he will put his talents to great use for the Church. God bless you, Cardinal Joe! ” Dagdag pa ni Cardinal Quevedo.
Si Cardinal-elect Advincula na mahigit 8-taon ng nagsisilbi bilang Arsobispo ng Capiz ay isa sa labing tatlong iba pa na itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang mga bagong Cardinal ng Simbahang Katolika.
Sa isang panayam, nagpapasalamat si Cardinal-elect Capiz Archbishop Jose Advincula sa Santo Papa at Panginoon sa ibinigay na panibagong misyon sa pagpapalaganap ng new evangelization.
Read: https://www.veritas846.ph/pagkakatalaga-kay-cardinal-elect-advincula-isang-karangalan-sa-mga-mananampalataya-ng-archdiocese-of-capiz
Bukod sa pagiging katuwang ng Santo Papa sa pangangasiwa ng Simbahan sa iba’t-ibang bansa, ang mga Cardinal din ay nagsisilbi bilang mga opisyal ng Vatican, nagsusuot ng natatanging damit na pula at tinutukoy bilang ‘Kanyang Kabunyian’ o ‘His Eminence’ na nangangahulugang Prinsipe ng Simbahan.