6,353 total views
by: Marian Navales-Pulgo/Reyn Letran/Michael Añonuevo
Nakikiisa ang Diocese ng Borongan sa Eastern Samar sa pananalangin para sa kaligtasan ng mamamayan na posibleng maapektuhan sa pananalasa ng Super typhoon Rolly na may international name na Goni.
“Sa mga kapatid sa Luzon, sa Bicol region, kami po ay nakiisa sa inyo sa takot at pangamba sa darating na typhoon. Alam ko po kung gaano kahirap yung makaranas tayo ng ganyang kapighatian sa buhay sa experienced namin sa Super Typhoon Yolanda, that was seven years ago, napakatindi,” ayon kay Bishop Varquez.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, nauunawaan at naranasan na rin ng lalawigan ang pangamba at takot na dulot ng bagyo nang manalasa sa Eastern at Central Visayas ang bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013 kung saan mahigit sa 6-libong katao ang nasawi.
“Una po we have to pray na sana malusaw na ang typhoon. Pangalawa, part of the preparation is to look for a place na safe. Dito sa amin sa Samar ang restrooms o CR’s ang nakatulong po sa mga tao sa mga flying object. Doon po sila nagtago sa saradong lugar,” ayon pa sa Obispo. “Ikatlo, prepare food, water, medicine and others. Iwasan po ang mga lugar na mababa. Kami po ay nananalangin sa inyo para sa inyo na maging safe kayo. Hindi na po bale na masira ang ibang bagay ‘wag lang po magsacrifice ng buhay.”panawagan ng Obispo
Inihayag ng Obispo na dahil sa hindi handa sa lakas na dulot ng Yolanda ay maraming mga residente ang nasawi lalu na sa mga daluyong ng mga baybaying dagat.
Mungkahi ng Obispo sa mamamayan na ngayon pa lamang ay alamin na ang mga lugar na ligtas para sa buong pamilya, maghanda ng pagkain, damit at gamot at higit sa lahat ay sama-samang manalangin para sa kaligtasan hindi lamang ng sarili kundi maging ng kapwa.
Tiniyak naman ni Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo na nakahadna na ang kanilang social action center sa inaasahang epekto ng bagyong Rolly.
Inihayag din Bishop Dialogo na bukas din ang pintuan ng mga simbahan sa mga posibleng kailangang ilikas na residente na maaapektuhan ng malakas na bagyo.
“Naghahanda na, ang social action natin ay ready na sa anumang mangyayari pagkatapos ng bagyo. Naghahanda na po kami at bukas ang simbahan kung sakaling kailangang maglikas ng mga tao,” ayon kay Bishop Dialogo.
Nag-alay din ng panalangin ang Obispo para sa kaligtasan ng lahat mula sa banta ng bagyong Rolly.
Hiniling naman ng Obispo sa mananampalataya, lalu na ang mga hindi apektado ng bagyo na maging bukas na tumulong sa mga nangangailangan.
“Alam natin na maraming maapektuhan. Nawa’y maraming mga taong magbigay, gamitin ng Diyos upang ang nangangailangan ay mabigyan ng tulong,” dagdag pa ni Bishop Dialogo.
Nagpaabot din ng panalangin ang Obispo ng Diyosesis ng Daet para sa kaligtasan ng lahat.
Ayon kay Daet Bishop Rex Andrew Alarcon – Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Youth, sa oras ng kagipitan at kawalang katiyakan ay tanging ang Panginoon lamang ang maaaring kapitan ng bawat isa.
Ipinagdarasal ng Obispo na pagkalooban ng Panginoon ng karagdagang lakas, talino at pag-asa ang lahat upang mapagtagumpayan ang anumang unos at pagsubok sa buhay.
Ipinapanalangin rin ni Bishop Alarcon na manaig sa bawat isa ang pagtutulungan maging sa gitna ng kalamidad upang malagpasan ang pinangangambahang panganib na dulot ng bagyong Rolly.
PANALANGIN NI DAET BISHOP REX ANDREW ALARCON:
“Ama, ikaw ay maylikha ng langit at lupa. Dumudulog kami saiyo ngayong kami ay nangangamba dahil sa paparating na bagyo. Batid mo ang aming dinaranas dahil sa Covid at dahil sa bagyong Quinta. Nagsusumamo kami na iyong iligtas ang aming bayan at pamilya sa bagyong Rolly. Wala sa aming talino at lakas ang pagpigil nito, kaya’t ipinauubaya naming saiyo ang aming buhay at katayuan. Bigyang mo po kami ng dagdag pang lakas at pag-asa sa gitna ng marami at malalakas na unos, bagyo at matitinding karamdamang aming hinaharap ngayon. Makita at maramdaman nawa naming ang iyong mapagkalingang kamay habang hinaharap namin ang mga pagsubok sa aming buhay. Nagtitiwala at nanalig kami saiyong kalooban, pag-ibig at awa. Sa lahat ang masama at sakuna, iligtas mo po kami. Gawin mo na ang bawat isa sa amin ay maging kasangkapan ng iyong kabutihan at habag. Hinihiling naming ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon, kasama mo at ng Espiritu Santo, magpasawalang-hanggan. Amen.
O Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, ipanalangin mo po kami.
Nakahanda na ang Diocese ng Iba, Zambales sa paparating na bagyong Rolly na posibleng maging pinakamalakas na bagyo na tatama sa bansa ngayong taon.
Ayon kay Iba, Zambales Bishop Bartolome Santos, Jr., nakahanda na ang bawat parokya ng diocese para sa bagyo gayundin ay patuloy naman ang pag-aalay ng panalangin at misa upang maipag-adya laban sa matinding epekto nito.
Naka-antabay na rin ang Social Action Commission ng diocese upang tumulong sa mga higit na maaapektuhan ng bagyo.
Dagdag pa ni Bishop Santos na ang mga Zambaleños ay mga matatag at handa sa lahat ng dumadaang kalamidad sa lugar.
“The parishes are ready for the typhoon. Prayers and masses offered. Social Action is readying for d coming days though Zambaleños are resilient people on all calamities,” ang pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, inaanyayahan naman ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang lahat na makiisa sa pananalangin ng Oratio Imperata para sa kaligtasan ng lahat laban sa bagyong Rolly.
Ito ay gaganapin ngayong araw sa ganap na alas-12 ng tanghali, alas-3 ng hapon at alas-6 ng gabi at sabayang pagrorosaryo sa alas-8 ng gabi.