520 total views
Binuksan ng Diocese of Daet at Diocese of Boac ang mga Simbahan upang magsilbing pansamantalang matutuluyan ng mga mamamayang apektado ng pananalasa ng super typhoon Rolly sa lalawigan ng Camarines Norte at Marinduque.
Ayon kay Daet Bishop Rex Andrew Alarcon, inabisuhan na ang lahat ng mga kura paroko sa diyosesis upang buksan ang mga Simbahan at patuluyin ang mga residenteng apektado ng pananalasa ng bagyo.
Ibinahagi ng Obispo sa Radio Veritas na may ilang mga parokya na rin ang may mga evacuees kabilang na sa Daet Cathedral.
“We advised our Parish Priest to open their Churches. There are evacuees now in parish churches. Even here at our place we have evacuees.”pahayag ni Bishop Alarcon sa Radio Veritas.
Iniulat ni Bishop Alarcon na nararamdaman na sa kasalukuyan ang malakas na ulan at pagbugso ng hangin kung saan nakataas sa Bicol region ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 4 at 5.
Umaapela rin ng tulong at patuloy na panalangin ng Obispo para sa kapakanan at kaligtasan ng mamamayan.
“Storm signal number 4 is raised in Cam Norte. Cam Sur and others [place are under Signal number] 5. Strong winds [are being experienced]. Many have been evacuated in view of the storm. We appeal for prayers and help for the evacuees and for our people.”apela ni Bishop Alarcon.
Binuksan rin ng Diocese of Boac ang lahat ng mga Simbahan sa buong diyosesis upang magsilbing kanlungan ng mga apektado ng super typhoon sa Marinduque.
Inihayag ni Bishop Maralit na matapos ang pinsalang dulot ng bagyong Quinta ay napag-desisyunan ng diyosesis na buksan ang lahat ng mga Simbahan, kapilya at maging mga Diocesan schools upang magsilbing evacuation centers.
Ibinahagi rin ng Obispo na may ilang pamilya rin ang nagtungo mismo sa kanyang tahanan na nangangailangan ng pansamantalang matutuluyan.
“Since Thursday pa [binuksan ang mga Simbahan sa diyosesis], dahil nga after ni Quinta ay nag meeting na ang probinsya. We offered na all Churches, chapels and diocesan schools as evacuation centers ng province. Dito sa residence ay ilang pamilya na ang nagpuntahan at dito na muna sila sa akin.”pagbabahagi ni Bishop Maralit.
Umaasa naman sina Bishop Alarcon at Bishop Maralit na sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, Simbahan, at maging ng iba’t-ibang organisasyon ay manatiling ligtas ang mamamayan sa gitna ng pananalasa ng bagyo.
Naunang binuksan ng Diocese of Lucena, Diocese of Legazpi, Diocese of Sorsogon at Archdiocese of Nueva Caceres ang kanilang mga simbahan upang maging evacuation centers.
Read: https://www.veritas846.ph/maging-handa-at-magdasal-panawagan-ng-mga-obispo-sa-mamamayan-2/