1,600 total views
Magkaisa sa pag-unawa at pagsunod sa mga panuntunan ng pamahalaan bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng Coronavirus Disease 2019.
Ito ang paalala ni Calbayog Bishop Isabelo Abarquez sa pagbabawal ng pamahalaan na magtungo sa mga sementeryo at kolumbaryo ngayong Araw ng mga Patay.
Ayon sa Obispo, bagamat bahagi na ng kultura at tradisyon ng pamilyang Filipino ang sama-samang pagbisita at pag-aalay ng panalangin sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay ay mahalagang tupdin ang panuntunan ng pamahalaan.
“Alam po nating lahat na tayo ay pinagbawalan na magpunta sa sementeryo sa November 1, 2 and 3 yung sa iba hanggang 4 dahil po sa pandemic na nararanasan natin ngayon, sana po tayong lahat ay mag-intindihan at magkaisa sa pagsunod sa protocol na ito dahil ito po ay para lang sa ating kabutihan at para pag-prevent sa atin from being contaminated with this COVID-19, it’s better to obey, to follow”. pahayag ni Bishop Abarquez sa panayam sa Radio Veritas.
Sa inilabas na Resolution #72 ng IATF noong ika-17 ng Setyembre, ipinag-utos ang pansamantalang pagsasara ng mga pampuliko at pribadong sementeryo at mga kolombaryo mula ika-29 ng Oktubre hanggang ika-4 ng Nobyembre.
Samantala, pinalawig na rin ng Vatican ang paggagawad ng plenaryo indulhensya hanggang sa buong buwan ng Nobyembre mula sa karaniwang paggawad ng indulhensya simula unang araw hanggang ika-8 ng Nobyembre.
Ito ay maaaring matanggap sa anumang araw sa buong buwan sa sinumang bibisita sa puntod, magdarasal para sa mga namayapa at magsasagawa ng pagkakawanggawa.
Ang indulhensya plenaryo ay pagtatanggal sa parusang temporal sa mga kasalanang nagawa ng tao.