2,937 total views
Sa kabila ng patuloy na dagok sa bansa dulot ng mga kalamidad at pandemya, mas higit na dapat itanong ng mananampalataya kung ano ang hinihingi ng Panginoon sa bawat isa.
Ito ang mensahe ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick pabillo matapos ang pananalasa ng super typhoon rolly na nagdulot ng labis na pinsala sa Bicol Region at ilang mga lalawigan sa Luzon.
“Mas magandang tanong, Panginoon ano ang hinihingi mo sa akin ngayon. Hindi lang tayo nag-speculate ng isang sagot ngunit naging action oriented tayo. Sa ganitong pangyayari Panginoon ano yung hinihingi Nyo sa amin. Ano ang hinihingi Mo sa akin,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ayon kay Bishop Pabillo, bagama’t napalaki ng pinsalang iniwan ng bagyo sa buhay at kabuhayan ng tao ay marami rin ang nakaligtas mula panganib na dulot ng bagyo.
“At alam po natin, kahit mahirap ang panahon, may maabot pa rin tayo. Kung lahat naman ay tutulong ay malaking magagawa,” dagdag pa ng obispo.
Kaya’t mas mahalagang magpasalamat, lalu na yaong mga hindi naapektuhan ng bagyo na silang hinihingan ngayon ng pakikiisa at pagtulong sa mga pamayanan na labis ang tinamong pinsala.
Bukod sa pagtulong, panawagan din ng obispo ang patuloy na panalangin para sa kalakasan sa mga biktima na nawalan ng kabuhayan at mahal sa buhay.
Hiling din ni Bishop Pabillo na ipagdasala ang kabutihang loob ng bawat tao na maging bukas para tumulong at magmalasakit sa kapwa.
Archdiocese of Caceres
Nagsisimula na rin ang simbahan sa Caceres sa pagbabahagi ng tulong sa mga naapektuhang residente.
Ayon kay Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, higit sa 20 parokya ng arkidiyosesis ang nagsilbing evacuation centers ng mga residente.
“Sa mga ganitong katayuan at sitwasyon, siyempre dapat mangibabaw ang ating pananalig sa Panginoon. At sabi nga sa ‘Fratteli Tutti’, magkaisa tayo, magkakapatid tayo. Sa pagtutulungan nandyan ang ating lakas at saka yan ang magbibigay sa atin ng tamang direksyon para sa hindi lamang kasaganaan kundi para sa kapayapaan,” ayon kay Archbishop Tirona sa panayam kaugnay sa isinagawang ‘Caritas Oplan Damayan Telethon 2020’ sa Radio Veritas.
Diocese of Legazpi
Sa kabila ng lawak at labis na pinsala mula sa bagyo, nagpapasalamat pa rin si Legazpi Bishop Joel Baylon na hindi marami ang nasaw sa kaniyang mga kababayan kumpara sa bagyong Reming noong 2006.
Gayunman, nangangamba pa rin ang obispo sa sinapit ng mga residente sa Guinobatan kung saan maraming bahay ang natabunan bato mula sa bulkan.
“May tatlong barangay na natabunan ng lahar at saka ng malalaking bato mula sa Mayon at ito po ay kasalukuyang sinisikap na mahukay kasi yung mahigit na 100 bahay yung natabunan daw at hindi pa matiyak kung may mga tao doon na nakalibing. So we are praying and hoping that we could still rescue this people pero patuloy naman po ang efforts ng gobyerno sa bagay na ito,” ayon kay Bishop Baylon.
Nagpapasalamat din ang obispo sa pagtutulungan ng bawat isa at gayundin ang pagnanais ng marami na makatulong sa mga biktima ng bagyo sa kanilang lalawigan.
“Meron kaming tinatawag na PADRE Fund ito po ay Parish Assistance for Disaster Response Situation na para sa emergency fund namin so PADRE ang tawag namin PADRE Fund. Syempre especially ngayong COVID itong pandemic na ito ay hindi masyadong malaki ang capacity ng parishes to get this fund kasi halos walang nakukuhang mga activities and income ang mga parokya. So meron po kaming Social Action Center at dito ay may nalilikom kami at patuloy kaming tumatanggap ng tulong sa mga may mabubuting puso na gustong tumulong sa amin and in fact I must say I am grateful and happily na kahapon ay there was already various of people asking for numbers and for information kung papaano sila makakapagpadala ng tulong so we provided already a number from the Social Action Center po at ito ang ibinibigay namin salamat po. And of course sa Caritas Manila has also already sent us a certain amount so maraming maraming salamat sa pagtulong niyo, ” ayon kay Bishop Baylon.
Diocese of Daet
Nagpapasalamat naman si Daet Bishop Rex Andrew Alarcon sa tulong na ibinihagi ng Caritas Manila para sa mga nasalanta sa kanilang lalawigan kung saan 70-libong pamilya ang naapektuhan.
“We are very thankful for the help (Caritas Manila) because that will also help us in the relief operations ng mga nangangailangan dito sa Camarines Norte,” ayon sa obispo.
Ayon pa sa obispo, “Right now, we are initiating the relief operations and assistance po dito locally and also to help Virac, Albay and also some part of CamSur.”
Diocese of Gumaca
Inihayag naman ni Gumaca Bishop Victor na tulad ng lalawigan ng Albay ay labis din ang pinsala na tinamo ng Gumaca sa nagdaang bagyo.
Sa ulat ng social action center ng diocese, may 10-libong pamilya ang labis na nasalanta maging ang kanilang mga kabuhayan. Nagpapapasalamat naman ang obispo sa lahat ng mga nagpaabot ng panalangin at tulong sa kanilang mamamayan.
“Marami naman ang nagbubukas ng kanilang puso para sa aming pangangailangan. Sila ay nagmamalakasakit para sa amin at Salamat sa Diyos sa kanilang pagbubukas ng puso,” ayon pa sa obispo.
Patuloy pa rin ang panawagan ng obispo sa pangangailangan ng mamamayan kabilang na ang mga pagkain, tubig, gamot, damit, kumot at mga trapal para sa kanilang pansamantalang tutuluyan.
Hiling din ng obispo ang mga sabon panligo at panlaba gayundin ang mga facemasks at alcohol bilang proteksyon laban pa rin sa pinangambahang pagkahawa mula sa novel coronavirus lalu’t may pagkakataon na hindi maiiwasan ang dami ng mga tao sa evacuation area.
Una na ring nagbigay ng paunang tulong ang Caritas Manila ng halagang isang milyong piso para sa mga apektadong diyosesis o tig-200 libong piso para sa Caceres, Daet, Virac, Catanduanes at Gumaca.