1,947 total views
Maraming mga aral na iniwan ang pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa mga mamamayan ng Eastern Visayas region.
Ito ang ibinahagi ni Diocese of Borongan Bishop Crispin Varquez sa paggunita ng pananalasa ng Super typhoon Yolanda sa rehiyon pitong taon na ang nakakalipas.
Ayon sa Obispo, ang pananalangin at matatag na pananampalataya sa Panginoon kasabay ng pagpapanatili ng pagkakaisa sa komunidad ang isa sa pinamahalagang aral na natutunan ng mga mamamayan mula sa pananalasa ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng bansa.
Inihayag ni Bishop Varquez na mahalaga ang pagkakaroon ng magandang relasyon ng buong komunidad bilang pundasyon ng pagtutulungan at pagmamalasakitan lalo na sa oras ng kalamidad at sakuna.
“You have to keep on praying, you have to strengthen our faith then establish palagi yung community, palagi na maging aware at saka magandang relasyon, madali kasing magtutulungan kapag maganda ang relasyon ng community walang papabayaan.” pahayag ni Bishop arquez sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi rin ng Obispo ang pagbubuo ng iba’t-ibang grupo at sistema ng mamamayan sa lalawigan upang mas maging maagap at epektibo ang pagtugon sa oras ng kalamidad.
Sinabi ni Bishop Varquez na natutunan na rin ng mamamayan na mamuhunan sa pagkakaroon ng mas matibay na pundasyon ng mga gusali at tahanan na kakayaning malagpasan ang malalakas na bagyo na maaring manalasa sa lalawigan.
“Yun bang ang community tuturuan what to do during calamities, may mga evacuation centers na so may mga grupo na nagcreate na tutulong sa mga pamilya in case sa advice for evacuation, they know what to do and they know where to go so this are few learnings na aming nakuha.” Dagdag pa ni Bishop Varquez.
Binigyang diin naman ng Obispo na bukod sa aral ay nag-iwan rin ang Super Typhoon Yolanda ng hamon para sa bawat isa na higit na bigyang halaga ang pangangalaga sa kalikasan na biyaya ng Panginoon sa sangkatauhan.
Ayon kay Bishop Varquez, ang epekto ng pananalasa ng kauna-unahang Super Typhoon category sa bansa ay isa ring panawagan sa pagbabago ng paraan ng pamumuhay ng bawat isa upang mapigilan ang tuluyang pagkasira ng kalikasan na nagdudulot ng pagbabago ng klima at nagreresulta sa mas malalakas na bagyo,
“Yun bang challenge ito if the calamities are products of our lifestyle, our way of life na binabaliwala natin yung kalikasan dahil walang tigil yung ating pagtapon ng basura kung bunga siya sa pag-abuso sa kalikasan so our learnings is we have to modify our lifestyle and we have to take care of God’s creation.” Paliwanag ni Bishop Varquez.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang Super Typhoon Yolanda ang unang Super Typhoon category at itinuturing na pinakamalakas na bagyong nanalasa sa bansa na tumama sa Eastern Visayas region noong ika-8 ng Nobyembre taong 2013 kung saan mahigit sa 6,000 ang naitalang nasawi.
Ito rin ang dahilan ng personal na pagbisita sa Pilipinas ang Kanyang Kabanalan Francisco noong Enero ng taong 2015 upang ipadama sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda ang habag at awa ng Panginoon.