556 total views
Inanunsyo ng pamunuan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na nagbalik na sa panunungkulan si CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles matapos ang limang buwang pagpapahinga.
Sa liham na inilabas ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice President ng CBCP, tuloy-tuloy ang pagbuti ng kondisyon ni Archbishop Valles at pinayagan na rin itong muling maglingkod bilang pangulo ng kalipunan ng mga obispo sa bansa.
“After getting a clean bill of health from his doctors, Archbishop Valles has signified his readiness to resume office as our CBCP President,” bahagi ng liham ni Bishop David.
Buwan ng Mayo ng kasalukuyang taon nang inatake ng mild stroke ang arsobispo ng Davao dahilan upang pansamantalang lumiban sa katungukulan sa CBCP.
Si Archbishop Valles ay isinugod sa pagamutan noong ika-23 ng Mayo at nanatili sa pagamutan hanggang ika-6 ng Hulyo dulot na rin ng hospital acquired pneumonia.
Habang nagpapalakas si Archbishop Valles, pansamantalang itinalaga si Bishop David na maging acting President ayon na rin sa batas na sinusunod ng CBCP.
Pamumunuan ni Archbishop Valles ang CBCP Permanent Council Meeting sa ika – 25 ng Nobyembre na gaganapin online.
Nagpasalamat ang pamunuan ng CBCP sa lahat ng mananampalataya na nag-alay ng mga panalangin para sa agarang paggaling ni Archbishop Valles.
Tiniyak naman ni Bishop David ang patuloy na suporta kay Archbishop Valles sa pagbabalik sa panunungkulan.
“As Vice President, I assured him [Archbishop Valles] that I would stay by his side and continue to assist him in whatever way I can,” dagdag ng obispo.