383 total views
Nagdulot ng matinding pinsala ang bagyong Ulysses sa iba’t-ibang diyosesis sa bansa at patuloy na ring nagsasagawa ng pagtulong sa mga higit na naapektuhan nito.
Ayon sa ulat ni Fr. Michael Reuben Cron, Social Action Center Director ng Diocese ng Imus, aabot sa 1,554 na pamilya at 5,353 mga indibidwal ang mga nagsilikas dahil sa epekto ng bagyo.
Karamihan sa mga nagsilikas ay nagmula sa Cavite City at bayan ng Noveleta na ang lokasyon ay malapit sa dagat na mapanganib sa banta ng storm surge.
Ayon naman kay Fr. Dondi Sayson, SAC Director ng Diocese ng Gumaca, Quezon, umabot sa 1,436 ang mga higit na apektadong pamilya sa Diocese.
Malubha ring naapektuhan ang nasa 20 parokya at nasa 14 naman ang lubog sa baha.
Sinabi rin ni Fr. Sayson na may ilang kalsada rin ang hindi madaanan tulad ng Maharlika Hi-way sa bayan ng Lopez at Mulanay hanggang sa San Francisco Road.
Maayos at maganda na rin ang panahon sa Diocese ng San Fernando de La Union at Archdiocese ng Lingayen-Dagupan bagamat naranasan ang malakas na pag-uulan at hangin na nagresulta sa mga tumbang puno at ilang tahanan na natanggalan.
Samantala, sa Diocese ng Alaminos at Urdaneta sa lalawigan ng Pangasinan at Archdiocese ng Nueva Segovia sa Vigan, Ilocos Sur ay patuloy pa ring nararanasan ang pabugso-bugsong hangin at pag-uulan.
Magsasagawa naman ng pag-iikot sa iba’t ibang parokya ang SAC ng Diocese ng Alaminos upang tingnan ang mga pinsalang iniwan ng bagyo maging ang kalagayan ng mga pamilyang apektado nito.
Patuloy naman na humihiling ng panalangin ang mga diyosesis gayundin ang pangangalap ng tulong para sa mga apektadong residente na muling makabangon mula sa matinding epekto ng magkakasunod na bagyo.