390 total views
Nagsasagawa pa rin ng assessment ang Archdiocese ng Tuguegarao sa mga apektadong parokya na tinamaan ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Tuguegarao Archdiocesan Social Action Director Fr. Andres “Andy” Semana, Jr., hindi bababa sa 36 na parokya ang apektado ng pagbaha sa dinaraanan ng Cagayan river.
“Sa ngayon ang ginagawa ng Office of Social Action ay hinihingan ng datos yung mga affected parishes. More or less yung assessment o estimation natin ay nasa 36 na mga parishes ay affected nitong pagbaha hindi lang dito sa malapit sa Cagayan river, kundi meron ding kasi may mga connected ding mga river dito sa main Cagayan river,” pahayag ni Fr. Semana sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon sa pari, may ilang parokya ang nagbukas ng kanilang mga simbahan bilang pansamantalang matutuluyan ng evacuees bukod sa mga inilaang evacuation centers ng lokal na pamahalaan.
Nanawagan naman si Fr. Semana sa mga nais magpaabot ng kanilang tulong para sa mga nasalanta ng matinding pagbaha sa lalawigan.
Dalangin naman ng pari ang patuloy na paggabay ng Panginoon sa mga nasalanta ng pagbaha lalung-lalo na sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.
Panalangin ni Tuguegarao Archdiocesan Social Action Director Fr. Andres “Andy” Semana, Jr.
“Ama, sa panahon na aming nararanasan ngayon, alam po namin na nandyan lang po Kayo, nakasubaybay po sa amin. Nandyan po Kayo sa amin at napapakita po yan sa mga taong tumutulong sa mga nangangailangan.
Nawa’y gabayan N’yo po ang mga rescuers natin na tumutulong po sa mga napinsala ng bahang ito; at pinapanalangin po namin ang mga pamilya lalung-lalo na po yung mga pamilya na affected po, na namatayan dahil sa pagbaha na ito.
Nawa’y patnubayan po sila ng Poong Maykapal at bigyan sila ng pag-asa na muling makabangon. Lahat pong ito ay hinihiling natin sa ngalan ng ating Panginoong Hesukristo.
Amen.”
Ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam bunsod ng pagtaas ng tubig nito dahil sa bagyong Ulysses ang sanhi ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan.
Daan-daang mga residente ang nananatili sa bubungan ng kanilang mga tahanan dahil ng pagbaha at kasalukuyan pa ring naghihintay na maligtas.