225 total views
Hinimok ng isang Obispo ang mamamayan na panatilihin ang pananalig sa Panginoon sa gitna ng dinaranas ng bansa na mga sakuna.
Ayon kay Diocese of Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez, kinakailangan ng mas masidhing pananampalataya at pananalangin sa Panginoon upang malampasan ng mga Filipino ang kalamidad na dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan bunsod ng Habagat.
Dagdag pa ni Bishop Iñiguez, sa gitna ng mga pagsubok na ito sa ating bansa, ay dito masusukat ang pagpapamalas ng pagtutulungan at pagmamalasakit ng bawat Filipino sa kanilang kapwa.
“Sa ating lahat ngayon ito ay tunay na isang malaking bahagi ng ating paghihirap. Isang paghihirap na bunga na rin ng kalikasan, hindi natin ito maiiwasan pero isang pagkakataon ito upang magsama-sama tayo bilang isang sambayanan upang makalusot tayo dito ng maayos,” ang bahagi ng pahayag ni Bp. Iñiguez sa Radyo Veritas.
Batay sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council, umabot na sa 13 ang indibidwal na nasawi dahil sa South West monsoon o habagat na pinalalakas ng tatlong weather circulations sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Naitala rin na ang 55,963 na bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad na na may kabuuang bilang na 262,271 indibidwal.
Sa kabuuan umabot nang P6,276,000.05 ang halaga ng relief assistance na naipamahagi ng NDRRMC sa mga apektadong lugar sa NCR, Region III, CALABARZON at Negros Island Region.
Samantala, nakapagbahagi narin ng P481,675.00 na halaga ng tulong ang Simbahang Katolika partikular ng Caritas Manila at Quiapo Church sa mga apektadong lugar.