239 total views
Pinaalalahanan ng Obispo ng Cubao ang mga nalulong sa larong “POKEMON GO” na pahalagahan ang kanilang oras sa mga kapaki – pakinabang na bagay.
Ayon kay Bishop Honesto Ongtioco, nararapat na makita ng mga kabataan at mga manggagawa ang importansya ng kanilang oras lalo na kung nailalaan lamang ito sa walang kwentang bagay.
Sinabi pa ni Bishop Ongtioco na maaring makasira ang larong POKEMON GO at iba pang computer at cellphone games sa kalusugan, pamilya at higit sa lahat ay relasyon lalo na sa pakikipag – kapwa tao.
“Maraming consequence itong mga addict kung papaano yung mga addict sa illegal drugs, sa mga games pwedeng makasira ng health, pamilya, relationship… Kaya itong modern technology itong mga games mag – ingat tayo na sana hindi masira itong mahalaga ang oras ng tao, gamitin sa tamang panahon. Again sa tamang mga activities para umunlad ang ating pagkatao,” bahagi ng pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Veritas Patrol.
Nagmungkahi naman ng ibang libangan ang obispo sa mga nalululong sa ganitong laro na gugulin ang kanilang oras sa mga recreation na magpapa – unlad sa kanilang pagkatao.
“To create is to recreate once again ourselves ang ating sarili. Recreate, recreation parang dahil sa pagod medyo nabibigatan ang tao to recreate again to make wholesome yung kanyang kaisipan, yung kanyang damdamin, yung kanyang pagkatao,” giit pa ni Bishop Ongtioco sa Radyo Veritas.
Mababatid na nauna ng inilunsad kamakailan sa Pilipinas ang POKEMON GO na agad namang tinangkilik ng mahigit 100 milyong Pilipino.
Ngunit una na rin itong inilabas sa bansang Australia, New Zealand, Estados Unidos at Japan.
Nanindigan naman ang Simbahan na mahalaga ang paggamit ng makabagong teknolohiya lalo bilang instrumento ng pagpapahayag ng Mabuting Balita.