403 total views
Malaking tulong sa simbahan ng Novaliches ang pagiging buhay ng basic ecclesial communities (BEC) at aktibo sa social media ng mga parokya upang sustentuhan ang pangangailangan ng simbahan at pagtulong sa mga nangangailangan.
Ito ang inihayag ni Novaliches Bishop Roberto Gaa sa panayam sa Pastoral Visit on-air ng Radyo Veritas kaugnay sa epekto ng pandemya lalu’t limitado ang maaring dumalo sa mga Parokya.
“I think we have to explore the possibilities here sa Social Media. You’re not bound by the normal boundaries of the Parish anymore. Iyong reach ng Social Media is global. If you continue to reach out to them, if you continue to nourish them, they will be more than eager to support you. Because they were nourished by you,” ayon kay Bishop Gaa.
Dahil sa online-donation lalu na sa mga parokyang aktibo sa pagsagawa ng online mass, formation at catechism ay patuloy na naisusulong ang misyon ng simbahan para sa mga mananampalataya.
Ayon sa Obispo, sa ginanap na budget hearing ng Diocese ng Novaliches kasama ang mga Parokyang nasasakupan ay patuloy na nakakatanggap ng tulong dahil sa pagiging aktibo sa social media sa kabila ng limitadong pagdalo ng mananampalataya sa mga Parokya bunsod ng COVID-19 pandemic.
“Ang daming bumubuhos ng tulong, at ang daming natutulungan nitong mga parokya’ng ito. They become conduits of help. We have to be accountable and responsible for all the gifts, the blessings, whatever goes through the Parish,” ayon sa obispo.
Sinabi ng Obispo na dulot ng masigasig na BEC’s ay madaling nakakakalap ng tulong at donasyon na maipaabot sa mga naapektuhan ng pandemya gayundin ang mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo.
Ang diyosesis ng Novaliches ay binubuo ng 67 parokya na may isa punto siyam na milyong mananampalataya.
Kabilang din ang mga Parokya ng diyosesis sa mga napinsala ng nagdaang bagyong Ulysses lalu na sa mga lugar na malapit sa Tullahan at Marikina river.