238 total views
Mga Kapanalig, isang tulog na lang, may bagong administrasyon na tayo.
Sa panig ng 40 porsyento ng botanteng inihalal si Rodrigo Duterte bilang pangulo, maraming umaasang bukas magsisimula ang bagong umaga ng pag-unlad ng ating bayan. Sa panig naman ng 60 porsyento ng botanteng hindi si Ginoong Duterte ang pinili, maraming agam-agam tungkol sa kung anong uri ng pag-unlad ang itataguyod ng bagong administrasyon.
Tingnan natin ang ilang balak ng administrasyong Duterte mula sa pananaw ng konsepto ng kaunlarang buo o “integral development.” Ang integral development ay isa sa walong prinsipyo ng Catholic Social Teaching na inilahad ng Second Plenary Council of the Philippines o PCP-II. Ang integral development, ayon sa PCP-II, ay patungkol sa pangkabuuang paglago ng tao, kasama ang dimensyong espiritwal. Wala raw mabuting dahilan para itaguyod ang kasapatang materyal ng tao sa pamamagitan ng imoral na pagsupil sa mga karapatang pantao, o sa pamamagitan ng pagkakatali sa ibang bansa, na nakapagpapahina sa ating dangal at kasarinlan bilang isang bayan. Kailangan ding tumungo ang kaunlaran sa kabutihan ng buong pamayanan at sa lahat ng kasapi nito, lalung-lalo na sa mahihirap. Ito po ang sinasabi ng PCP-II na mga katangian ng integral development.
Ano ang mga katangian ng kaunlarang ipinangangako ng papasok na administrasyong Duterte? May ilang aspeto ng agendang panlipunan at pangkabuhayan ng bagong administrasyon na tila mga hakbang tungo sa mas patas at desentralisadongn kaunlaran. Isang halimbawa ang pagbabago ng sistemang pambuwis para gawin itong mas magaan para sa mahihirap o “progressive tax reform”. Plano rin ng bagong pangulo na pabilisin ang paggasta ng pamahalaan para sa pagtatayo ng imprastruktura at gawing mas produktibo ang kanayunan. Nariyan din ang pamumuhunan sa kapakanan ng tao o “human capital development,” tulad ng kalusugan, edukasyon, at pagsasanay sa kakayahang pangkabuhayan. Pahuhusayin rin daw ang mga “social protection programs” tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, bagama’t kailangan nitong dumaan sa masusing pagrerepaso.
Ngunit, mula pa rin sa pananaw ng integral development, may ilang aspeto ng agenda ng bagong administrasyon na maaaring hindi lubusang mainam ang ibubunga. Ang mungkahing tanggalin ang mga limitasyon sa dayuhang pamumuhunan ay kailangang masusing pag-aralan. Ang mas malayang pagpasok ng puhunan ng mga dayuhan ay maaaring makalikha ng trabaho, makapagpaakyat sa kita ng karaniwang manggagawa, at magpalakas sa ating merkado. Ngunit maaari rin itong pumatay sa lokal na mga negosyo, magbunga ng pang-aabuso at pag-ubos sa likas na yaman, at lumikha ng mga trabahong mababa ang sahod at hindi magbibigay sa mga manggagawa ng pagkakataong umasenso.
Nakababahala rin ang tila kawalan ng agenda para sa pagtanggol at pagpapatibay sa karapatang pantao. Bagkus, sa mga binibitiwang salita ng ating magiging pangulo at ng ilan sa kaniyang hihiranging tagapamuno sa kapulisan at puwersang sandatahan, tila maaaninag ang kawalan ng pagpapahalaga—pagwawalang-galang pa nga—sa mga karapatang pantao. Madalas bukambibig ni Ginoong Duterte na ipapapatay niya ang mga humahadlang sa kaniyang agenda, maging sila’y kriminal, bulok na pulis, kasapi ng kilusang manggagawa, o aktibista. Ang ganitong pananalita, kahit pabiro, ay hindi tugma sa mmga katangian ng integral development. Hindi rin malinaw ang mga mekanismong ilalatag ng administrasyon upang mapalawak ang pakikilahok ng taumbayan sa pamamahala.
Mga Kapanalig, ipagdasal natin ang papasok na administrasyon. Gabayan nawa ang ating mga bagong pinuno ng Banal na Espiritu na magpunla ng kaunlarang buo, hindi basag: isang uri ng kaunlarang patas at walang iniiwanan, kaunlarang magpapalakas sa kasarinlang pangkabuhayan ng bansa, at kaunlarang magpapairal sa mga karapatang pantao. Ipagdasal rin natin ang ating mga sarili, na tayo man ay gabayan ng Banal na Espirito sa pakikitungo natin sa bagong pamahalaan, maging ito’y pakikilahok, pagbabantay, pagpuna, o pagtanggol ng mga karapatan natin at ng ating kapwa.
Sumainyo ang katotohanan.