5,053 total views
Magsasagawa ang Diocese of Cubao ng Online Advent Recollection sa pangunguna ng Lay Formation Ministry at Social Communications Ministry ngayong ika-5 ng Disyembre alas otso ng umaga.
Tema sa isasagawang recollection ang “Santatlo ng Cubao: Nagsusulong sa Pakikipag-isa, Misyon at Pagbabalik-loob tungo sa ika-500 taon ng Kristiyamismo sa Pilipinas.”
Layunin nitong ihanda ang mga mananampalataya sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Naniniwala si Cubao Bishop Honesto Ongtioco na mahalagang magkatipon-tipon ang mga mananampalataya kahit sa online lamang, upang sama-samang makapagnilay, manalangin, at tumugon sa mga pangangailangan ngayon sa gitna ng pandemya.
“Sa kabila ng ating nararanasan ngayon, ang inyo pong Diocese ng Cubao ay naghahangad na tayo’y magkasama-sama lalo na’t patungo tayo sa ikalimang daan taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas… Tayo’y sama-samang magninilay, mananalangin at tutugon.” Bahagi ng mensahe ni Bishop Ongtioco.
Kabilang sa mga magsasalita upang magbahagi ng pagninilay ay sina Ms. Ilsa Reyes at Fr. Domie Guzman, SSP.
Magsisimula ang programa sa pamamagitan ng isang banal na misa na mapapanood sa Facebook page at YouTube Channel ng Roman Catholic Diocese of Cubao.
Umaasa ang Obispo na sa pamamagitan ng ganitong mga pagtitipon ay mapapalalim ang pananampalataya at ugnayan sa pamamagitan ng bawat kristiyano sa kabila ng kawalan ng pisikal na mga pagtitipon. (Yana Villajos)