319 total views
Isasagawa online ng Filipino community sa United Arab Emirates ang trasdisyunal na simbang gabi batay na rin sa alintuntunin na ipinatupad sa bansa.
Ayon kay Gis Specialist and Field Soil Technician Rommel Pangilinan, ang social media director ng Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi mahalagang sundin ang panuntunan ng pamahalaan para sa kaligtasang pangkalusugan ng mamamayan.
“We have to adhere sa guidelines ng gobyerno para sa safety ng mga mamamayan ng UAE; kaya magiging virtual ang aming simbang gabi this year,” pahayag ni Pangilinan sa Radio Veritas.
Sinabi ni Pangilinan na ipinagbabawal ng pamahalaan ng UAE ang mga mass gatherings kabilang na rito ang mga gawaing simbahan lalo na sa nalalapit na pasko upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.
Batay sa World Meters Info sa humigit kumulang 172-libong kaso ng COVID-19 sa UAE, 14 na libo rito ang aktibong kaso habang gumaling naman ang 156, 000 na mamamayan.
Matutunghayan ang simbang gabi sa Facebook page ng Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi na magmumula sa St. Josephs Cathedral sa Abu Dhabi mula ika – 15 hanggang ika – 23 ng Disyembre ganap na ikapito ng gabi.
Inaanyayahan din ni Rev. Fr. Troy de los Santos, OFM Cap., Vicar General ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia ang mahigit isang milyong Katoliko sa Abu Dhabi na makiisa sa siyam na araw na paghahanda ng Pasko ng Pagsilang.
Tinatayang may 700, 000 ang mga Overseas Filipino Workers na Katoliko sa Abu Dhabi.
Saad naman ni Pangilinan na marahil ito ay pamamaraan ng Diyos upang maging ligtas ang bawat isa sa banta ng nakahahawang sakit.
“Siguro this is God’s plan na maging safe ang Simbang Gabi; pwede nating kompletuhin ang simbang gabi sa online,” ani Pangilinan.
Sa panuntunang inilabas ng pamahalaan ng UAE, ipinagbabawal ang pagtitipon sa National Day, Pasko at ang Bagong taon.
Paalala nito sa mamamayan na gawing virtual ang mga pagtitipon, bawal din ang palitan ng regalo at pagkain, ang mga konsiyerto na lampas sa tatlong oras ay kinakailangang aprubahan ng pamahalaan at mahigpit pa ring iiral ang mga safety health protocol sa Middle East.