239 total views
Kapanalig, ang ating bayan ay kilala sa mga mamamayan na marunong kumalinga sa mga senior citizens. Maraming mga pamilya ang hindi kumpleto kung walang bahagi o papel ang mga lola at lolo. Hindi lamang sila mga ka-anak na ating minsanang binibisita. Karaniwan, sila ay katuwang natin sa pagpapalaki ng mga anak.
Ang kalagayan ng ating mga seniors ngayon ay isang emerging o umuusbong na isyu sa ating bayan. Base sa opisyal na datos, umabot na sa sa 6.8% ng ating populasyon ang bilang ng mga elderly. Katumbas ito ng mga 6.3 million. Ayon pa sa mga eksperto, pagdating ng 2050, lolobo ang bilang na ito sa 23.63 million. Handa ba tayo sa mga kailangang serbisyo at imprastraktura na tutugon sa kalagayan ng mas maraming mga elderly?
Nagiging mas matingkad pa ang mga isyu ng seniors kung pension ang pag-uusapan. Ang ating mga financial institutions, lalo na ang mga may kaugnayan sa social protection ay kailangan preparado sa mas lolobong pangangailangan ng pondo para sa darating na mga taon. Ang balanse ng kanilang sustainability at pagtugon sa kasalukuyang pangangailangan ay parang pagtawid sa alambre. Kailangan ng ingat, presisyon at maayos na pagpaplano.
Ang diskriminasyon ay isang isyu rin para sa seniors. Marami ang nais pa magtrabaho, kaya lamang, dahil compulsory ang retirement sa ilang ahensya, walang magawa ang maraming may edad. Kaya nga’t marami ang natuwa sa anti-age discrimination law dahil isa itong ayuda para sa maraming seniors. Mas binibigyan nito ng bigat ang competence o kakayahan kaysa edad.
Ang napipintong pagdami ng seniors sa darating na panahon ay may malaki ring epekto sa health situation ng ating bansa. Sa ngayon, maraming may edad ang hirap na maka-access sa health services pati na sa gamot. Dahil nga naka-asa sila sa pensyon na karaniwan naman ay sapat lamang sa kanilang pangangailangan, kulang na ang pambayad sa regular na check-ups. Kung makapunta man sila sa mga health centers kung saan libre ang konsultasyon, hindi naman nila kayang makabili ng mga gamot na binibigay sa kanila bilang preskripsyon.
Ang pinansyal na seguridad at maayos na kalidad na buhay ang mga pangunahing isyu ng mga eldery ngayon. Mas sisidhi pa ito sa darating na panahon kung hindi natin maagap na matutugunan ang mga kasalukuyan at napipintong pangangailangan ng mga elderly.
Ang estado, ang ating kabuuang lipunan, tayong lahat- ay may obligasyon sa ating mga seniors. Sila ang naglatag ng daang ating tinatahak at nagbukas ng maraming pintuan para sa ating kaunlaran. Ang kanilang serbisyo ay hindi matatawaran. Marapat lamang na atin silang paglingkuran.
Ang lipunan, sa pagnanais ng mabilis na kaunlaran, ay may panganib na iwanan ang kapakanan ng matatanda. Ang ekslusyon ng elderly ay nangyayari na sa maraming mga lugar sa loob at labas ng bayan. Ayon kay Pope Francis, ito ay hindi natin dapat gawin. Naway ang kanyang tanong, mula sa Evangelii Gaudium ay gumising sa atin: Bakit ba wala tayong pakialam kapag may matandang namatay sa pagiging palaboy dahil sa kawalan ng tahanan ngunit lahat tayo ay aligaga kung ang stock market ay bumaba ng dalawang puntos?