553 total views
Nanawagan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga Kristiyano na mangumpisal ngayong panahon ng Adbiyento bilang paghahanda sa papalapit na pasko.
Ayon kay CBCP – Episcopal Commission on the Laity Chairman at Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, ang panahon ng Adbiyento ay panahon rin ng pagsisisi at pangungumpisal bilang paghahanda sa pagdating ng Mesiyas.
Ito ang mensahe at pagninilay ng Obispo sa ikalawang linggo sa panahon ng adbiyento.
Inihayag ni Bishop Pabillo na mahalagang sa pagdating ng pasko ay handa na ang puso ng bawat isa upang tanggapin sa Hesus na siyang katuparan ng pagmamahal at pangakong kaligtasan ng Panginoon sa lahat.
“Ang panahon ng Adbiyento ay panahon ng pagsisisi, panahon ng pagkukumpisal. Nananawagan tayo ngayon na magkumpisal sa mga Kristiyanong nabinyagan na, sana maghanap tayo ng pagkakataon para mangumpisal, para pagdating ng pasko matanggap natin si Hesus sa ating puso na inihanda natin para sa kanya…”paanyaya ni Bishop Pabillo
Ayon sa Obispo, bagamat sa pamamagitan ng binyag ay nalinis na ang bawat isa mula sa kasalanan ay hindi pa rin maiiwasan ang muling magkasala o makagawa ng kamalian na dapat ikumpisal at humingi ng kapatawaran.
Sinabi ni Bishop Pabillo na sa ganitong paraan ay naiwawaksi at muling napapadalisay ang puso at isip ng bawat isa na isang pangunahing paraan upang muling makapagbagong buhay at mapalapit sa Panginoon.
“Tayo ay nilinis na sa tubig ng binyag pero nagkakasala pa rin tayo, ang pagtanggal sa kasalanan na nagawa pagkatapos ng binyag ay ang pagkukumpisal, pumupunta tayo sa kumpisalanan dahil nagsisisi na tayo, inaamin na natin ang ating pagkakamali at ikinukumpisal ito…” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ang panahon ng adbiyento ay ang apat na linggong paghihintay at paghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang kung saan sa Linggo ito nagsisimula ang Bagong Taon sa Kalendaryo ng ating Simbahan.
Ang Adbiyento ay katulad rin ng matiyagang paghahanda at paghihintay ng siyam na buwan ng Mahal na Birheng Maria upang iluwal sa kanyang sinapupunan ang bugtong na anak ng Diyos na siyang tagapagligtas ng sangkatauhan.