226 total views
Larawan kuha ni Bb. Jonna S. De Guzman, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (05 Disyembre 2020).
(Una itong nilathala ika-28 ng Nobyembre 2018 at ngayon ay isina-ayos kaugnay ng mga nangyayari tulad ng COVID-19.)
Bakit nga ba tayo sabik sa Pasko, ano ating inaabangan at palagi tayong mayroong countdown?
Kung ang Pasko ay isang petsa lang, bakit hindi na lang tayo magbilangan Bagong Taon pa lamang?
Balikan ating mga karanasan ng mga Paskong nagdaan, paano tayo natigilan Kapag nagkaubusan ng pagkai’t mga pamaskong pinaghandaan.
Ito nga lang ba ang dahilan at kahulugan ng Kapaskuhan? Lahat ng kaabalahanan at kapaguran sa paghihintay Di malaman kung napasaan?
Diwa ng Pasko, sa puso sumisilang araw-araw itong maipagdiriwang pananahan ni Hesus sa ating kalooban.
Ang Pasko ay isang kaganapan nang ang Diyos ay makialam sa ating mga kaguluhan: Kanyang pinunan ating kakulangan Binigyang saysay buhay nating walang kabuluhan upang tayong sinilang sa kasalanan, magkaroon ng kabanalan. Sa panahong ito ng pandemya maraming problema sana ating makita sumapit ang Pasko sa panahong magulo din balot ng kadiliman buong kapaligiran. Si Hesus wala na sa sabsaban kungdi naroon sa ating puso at kalooban na siyang pinagmumulan ng bawat kaguluhan; Mamuhay tayo’ng lagi sa Kanyang kapanatilihan Upang ngayon pa lamang ay maranasan hatid Niyang kagalakan Kesa ito’y abangan at malibang sa pagbibilang ng petsa at buwan.