356 total views
Inilunsad ng Diocese of San Carlos Ecology Desk ang Lunhaw o “My Paradise” music video, na isang fund raising event, sa pakikipagtulungan nina San Carlos, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza at Lunhaw Director Fr. Julius Tormis, sa ika-11 ng Disyembre, 2020.
Ito’y bilang pakikiisa ng Diocese sa paggunita sa International Mountain Day at Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples.
Layon nitong maghatid ng kamalayan sa bawat isa para sa pangangalaga sa natitirang kagubatan ng Negros lalo na sa patuloy na ginagawang Silay-Patag-Cadiz-Calatrava Road Development Project na bumabagtas sa Northern Negros Natural Park.
Nais ipakita at ibahagi sa music video na ito ang pagkakaroon ng magandang hinaharap para sa sangkatauhan na maaari lamang makamtan kung mayroong pag-asa at pagbabago.
Kinuha ito sa Balea Falls, Brgy. Marcelo, Calatrava kung saan inihahayag ang kuwento ng isang batang katutubo na naging boses upang maiparating ang panawagan sa mga nauubos na kagubatan, lumalalang sitwasyon ng kalikasan at pagpapaalis sa mga naninirahang katutubo.
Sa mga nais magpahatid ng kanilang tulong at suporta, maaari itong ipadala sa Metrobank Account Name na The Roman Catholic Bishop of San Carlos sa Account Number na 121-7-12153570-6.
Para sa karagdagang impormasyon, magtungo lamang sa facebook page ng Lunhaw-Diocese of San Carlos.
Ayon naman sa Laudato Si ni Pope Francis, lahat tayo ay maaaring makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan batay sa ating sariling kultura, karanasan, at talento.