360 total views
Nagpahayag ng pakikiisa at pagkabahala ang Church People – Workers Solidarity (CWS) sa paggunita ng International Human Rights Day 2020.
Ikinababahala ng C-W-S ang serye ng red-tagging sa Pilipinas ng mga human rights defenders, labor leaders at maging ng mga lingkod ng Simbahan.
Ayon kay Church People – Workers Solidarity Co-Convenor San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, nakakatakot ang tahasang pagpaparatang ng puwersa ng pamahalaan sa mga indibidwal na isinasangkot sa mga komunista at teroristang grupo sa kabila ng kawalan ng sapat na katibayan.
Binigyang diin ng Obispo na hindi katanggap-tanggap ang ginagawang red-tagging ng pamahalaan.
Tinukoy din ni Bishop Alminaza ang Anti-Terrorism Act of 2020 na nagdudulot lamang ng karahasan at maging kamatayan sa mga personalidad at indibidwal na pinaparatangan.
“CWS express strong concern over the recent waves of “red-tagging” among church people and labor leaders. Red-tagging vilifies individuals and organizations as enemies of the State, communists, and terrorists. We firmly believe that red tagging along with the Anti-Terrorism Act of 2020 will only intensify attacks and widespread repression against activists, lawyers, human rights and environmental defenders, indigenous peoples, workers, farmers, and peace advocates.” pahayag ni Bishop Alminaza.
Iginiit ng Obispo na ang red tagging ay maituturing na paniniil sa freedom of speech at pagpapahayag ng saloobin at paniniwala ng bawat isa.
“Red tagging is essentially against freedom of speech because it is aimed at stopping speech, expression, beliefs, and association it does not agree with.” Dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Hinikayat naman ng Obispo ang lahat na magsilbing ilaw ng pag-asa at pag-ibig.
Umaasa rin si Bishop Alminaza na magkaisa ang lahat upang labanan ang anumang uri ng paniniil sa kalayaan at karapatan ng mamamayan.
“In these times of darkness where evil and tyranny persist and rampant human rights violations escalate, may we become beacons of hope and love by upholding and defending the fundamental rights of those who are most vulnerable. May we continue to show courage in the midst of persecution as we link arms with the broad masses in building a more just and humane society.”Ayon pa kay Bishop Alminaza.
Ginugunita ang Human Rights Day tuwing ika-10 ng Disyembre na araw kung kailan pinagtibay ng United Nations General Assembly ang Universal Declaration of Human Rights o Pandaigdig na Pahayag ng mga Karapatan ng Tao.
Nasasaad sa naturang Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao na ang bawat isa ay may kalayaan at karapatan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, pananaw pampulitika, pinagmulang bansa, pagmamay-aring ari-arian kapanganakan at iba pang katayuan sa buhay.
Kaugnay nito, mariin ding naninindigan ang Simbahang Katolika sa pagbibigay halaga sa karapatang pantao at sa mismong buhay ng bawat nilalang na kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.