467 total views
Ang Mahal na Birheng Maria ang pinaka-naaangkop na modelo ng paksa ng paghahanda sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas na Year of Missio Ad Gentes.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Guadalupe na may temang Birhen ng Guadalupe – Pag-asang Tanglaw, Inang nagbubuklod sa bawat isa.
Ayon sa Obispo, bahagi ng tungkulin ng mga Kristiyano na ipalaganap ang liwanag, pag-asa at pananampalataya na biyaya ng Panginoon sa bawat isa.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, ang Mahal na Birheng Maria ang pinaka-naaangkop na modelo ng pagmimisyon na pagbabahagi ng Mabuting Balita ng Panginoon para sa mas nakararami.
“kailangan pa nating ipalaganap ang liwanag ni Kristo, kaya may tungkulin tayo diyan kaya sinasabi nga natin Gifted to Give binigyan tayo ng biyaya ng pananampalataya, ng liwanag ng pananampalataya hindi lang po yan para sa atin, yan po ay para sa lahat kaya kailangan natin ibahagi itong pananampalatayang ito at ang modelo po natin diyan sa Missio Ad Gentes, pagmimisyon ay ang ating Mahal na Ina…” Bishop Broderick Pabillo.
Paliwanag pa ng Obispo, maituturing din ang Mahal na Ina bilang siyang “First Evangelizer” na unang nagdala ng Mabuting Balita sa iba’t ibang bansa partikular na sa Latin Amerika, India at Mexico.
“Si Maria the First Evangelizer na siya ang unang nagdala ng Mabuting Balita ay pinapakita po ng Mahal na Ina na pinapakita ng ating Mahal na Ina ng Guadalupe, sa totoo lang siya ang nag-evangelize sa buong Latin America, sa mga Indians, sa mga Latino ng Latin America, dahil sa kanya tinanggap ng mga Mexicano ang Mabuting Balita, bakit, sapagkat siya mismo ay lumapit sa kanila…” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Inihayag naman ng Obispo na mayroong dalawang aspekto ang pagmimisyon na hamon sa bawat Kristiyano –ang pagmimisyon upang magpahayag ng balita ni Hesus at ang pagmimisyon upang maglingkod sa mga nangangailangan tulad ng ginawa ni Hesus.
Nauna ng inihayag ni Bishop Pabillo na ang katuparan ng misyon ni Hesus na kaligtasan ay para sa lahat kaya’t mahalaga ang tungkulin ng bawat isa na palaganapin ang balita ng kaligtasan ng Panginoon.
Tema ng Year of Missio Ad Gentes ang ‘Gifted to Give’ na isang naaangkop na paksa upang higit na maihanda ang mga mananampalataya sa paggunita ng ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.