208 total views
Mga Kapanalig, isang umiinit na usapin nitong mga nakaraang araw ang pagpapangalan sa ilang personalidad na kabilang sa mga progresibong grupo bilang kasapi umano ng Communist Party of the Philippines at ng armadong grupo nito, ang New People’s Army (o NPA). Ang pangulo mismo ang nagpangalan sa isang partylist representative bilang kasapi ng Partido Komunista at ang kinakatawan niyang partylist group bilang front organization. Ang ganitong mga akusasyong tinatawag na redtagging—“red” dahil pula ang kulay na naiuugnay sa mga komunista—ay ‘di lamang mapanira sa salita. Inilalagay din nito sa panganib ang buhay ng mga inaakusahan.
Nitong nagdaang mga araw, may naganap na dalawang insidenteng kinasangkutan ng mga aktibistang iniuugnay ng pamahalaan sa Partido Komunista. Isa rito ay humantong sa pagkasawi ni Jevilyn Campos Cullamat, bunsong anak ng isang mambabatas na miyembro ng Bayan Muna at kabilang sa tribong Manobo. Si Jevilyn ay sinasabing isang medic o nanggagamot sa mga miyembro raw ng NPA. Napatay si Jevilyn sa isang enkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at ng NPA sa Surigao del Sur. Matapos siyang mapaslang, kinunan pa ng retrato ang kanyang bangkay na tila may hawak na armas sa harap ng mga nakahilerang mga sundalo.[1]
Ang ikalawang insidente ay ang pagdakip kay Amanda Echanis, anak naman ng lider-pesanteng si Randy Echanis na kamakailan lang din ay napaslang. Dinakip ang nakababatang Echanis, na kapapanganak pa lamang sa isang-buwang gulang na sanggol, noong Miyerkules sa Baggao, Cagayan, sa bintang na illegal possession of firearms and explosives. Mariin namang nanindigan ang Anakpawis na grupong kinabibilangan ng mag-amang Echanis na ang mga armas na sinasabing natagpuan sa tinitirhan ni Amanda ay itinanim ng mga umaresto sa kanya.[2]
Lubhang nakababagabag ang mga kaganapang ito. Una, ang mga nasasangkot ay kabilang sa sektor ng kabataan at mga babae. Anak sila ng mga kilaláng aktibista rin. Ikalawa, sila ay tumutulong sa mga komunidad at mga sektor na mahihirap, katulad ng mga katutubo at mga mambubukid. Ikatlo, naging lantad sa nangyari kay Jevilyn ang kawalan ng paggalang sa dignidad at pagkatao ng biktima sa kamay ng mga alagad ng batas.
Tila malinaw ang mensaheng pinahahatid ng mga pangyayaring ito lalo na sa konteksto ng mga nagaganap na protesta ng mga estudyante sa mga malalaking pamantasan sa Maynila. Tiyak na mag-aalala at matatakot pati ang mga magulang. Sinong magulang ang hindi gugustuhin pang ipagpalit ang sariling buhay mailigtas lang ang buhay ng anak? Lalong matindi ang pananakot kung ang kabataan ang pinupuntirya.
Sa kabila ng matitinding problemang kinakaharap ng bansa ngayon, nakatutulong ba o nakadaragdag pa sa mga alalahanin at pagdurusa ng mga mamamayan ang pananakot at pagtugis sa mga sinasabi ng pamahalaang kaaway nito? Ang gusto ba ng pamahalaan ay tumiklop lang at tumahimik ang ating mga kabataan kahit na may nakikita silang mali at dapat iwasto sa ating lipunan?
Sa pagtugon sa mga suliranin at kawalan ng katarungan sa lipunan, itinataguyod sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang tinatawag nating “active non-violence” o ang mapayapa ngunit aktibong pagkilos at pagsusulong ng makataong lipunan, hindi ang pananahimik sa gitna ng karahasan at pagkakait ng katarungan sa mga dukha. Ito ang ginagawa ng marami sa ating kabataan. Nakikita ito sa kanilang pagpanig at pakikiisa sa mahihirap, pag-oorganisa at paglilingkod sa mga komunidad, at mapayapang pagpoprotesta at pagpapanagot sa mga pamahalaan. Nag-aaral sila upang makapaglingkod sa bayan balang araw. Kailangan sila ng ating Inang Bayan. Hindi sila dapat tinatakot, hindi sila dapat pinatatahimik.
Mga Kapanalig, gaya ng mababasa natin sa Mateo 25:31-46, si Kristo man ay nagpapaalala sa ating sa huling paghuhusga, ang magiging pamantayan Niya ay kung paano tayo nagpakita ng pagmamahal, pagkalinga at pakikiisa sa mga nagugutom, maysakit, nakapiit, at walang matuluyan.
Sumainyo ang katotohanan.