397 total views
Hinimok ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mananampalataya na hindi padadala sa takot bagkus ay palakasin ang pananampalataya sa Panginoon.
Sa homiliya ng arsobispo sa unang Misa de Gallo na ginanap sa Archdiocesan Shrine of Immaculate Heart of Mary sa Minglanilla Cebu, sinabi nitong higit na makatutulong ang pagkapit sa Diyos sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng lipunan sa kasalukuyang panahon.
“Do not fear, only have faith; huwag matakot sapagkat may pananampalataya tayo sa Diyos na malalampasan natin ito,” pagninilay ni Archbishop Palma.
Matatandaang isa ang Cebu City sa naging hotspot’s ng COVID-19 pandemic dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso kaya’t nagkaisa ang lahat ng sektor sa lugar upang mabawasan at mapigilan ang pagtaas ng mga nagpositibo sa virus.
Ikinatuwa ng arsobispo na pinayagan ng pamahalaan ang simbahan na makapagdiwang ng simbang gabi at misa de gallo, ang siyam na araw na paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ng manunubos.
Aniya, maituturing itong pribilehiyo sapagkat nanatili pa rin ang banta ng virus sa lipunan hanggang sa kasalukuyan na patuloy tinutugunan ng mga eksperto sa kalusugan.
Mahigpit na ipinatupad sa mga simbahan ng arkidiyosesis ang mga safety health protocol na iminungkahi ng Inter Agency Tasks Force kabilang na ang pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay, pag-check ng temperatura at paggamit ng alcohol.
Batay sa tala ng Department of Health Region 7 sa mahigit sampung libong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Cebu, nasa 171 na lamang dito ang aktibong kaso na patuloy binibigyang atensyong medikal sa mga pagamutan sa lalawigan.