295 total views
Hinikayat ni Huwag kang Papatay movement convenor at Archdiocese of Manila Public Affairs Ministry director Father Atillano Fajardo si Senator Leila De Lima na huwag magpatinag sa ginagawang character assassination ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanya.
Ayon kay Father Fajardo, walang sinuman ang hindi nagdaan sa kasalanan at may kahinaan kaya’t wala ring sinuman ang dapat na maghusga.
“Dapat siyang magpakatatag. Dahil hindi madali ang ginagawa niya. Huwag patitinag, ang ipinaglalaban nya ay para sa bayan. Kaya’t ipagdarasal natin siya. Tayong lahat ay may pinagdaaanang mga kahinaan, kasalanan, at nabigyan ng pagkakataon na magbago at patawarin. Iyan ang pagkakataon na hindi naibigay sa mga napaslang,” ayon kay Fr. Fajardo.
Si De Lima ang nagsumite ng petisyon sa Senado para imbestigahan ang mga nagaganap na pagpaslang kasabay ng drug campaign ng administrasyong Duterte.
Sa tala ng Philippine National Police, mahigit-kumulang sa 700 mga hinihinalang addict at pusher ang napaslang ng mga pulis at mga vigilante group at di pa kilalang mga salarin.
Umaabot naman sa kalahating milyong katao ang sumuko para sumailalaim sa drug rehabilitation program.
Iginiit ng pari na hindi dapat maging hadlang sa adbokasiya ng mambabatas sa pagsusulong ng karapatang pantao para sa mga biktima ng pamamaslang ang mga pahayag ng Pangulong Duterte.
Nilinaw ni Father Fajardo na ang lahat ay nagkasala at may karapatang bigyang pagkakataon na hindi naibigay sa mga biktima ng extra judicial killings.