202 total views
Ikinagalak ng Archdiocese of San Fernando sa Pampanga ang pagbabahagi ng Caritas Manila ng mga relief goods para sa mga residente ng San Matias Apostoles Parish na nasalanta ng habagat.
Labis ang pasasalamat ni Rev.Father Robert Feliciano, kura-paroko ng nasabing parokya, sa pagtugon ng ginawa ng Social Arm ng Archdiocese of Manila sapagkat naiparamdam nito ang pagmamahal ng Simbahan sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Inamin ni Father Feliciano na sa konting tulong na naibahagi ng Caritas Manila ay kasiyahan ang idinulot nito sa mga residente.
“Kami po ay nagpapasalamat sa inyo mahal na Kardinal [Luis Antonio Tagle]at sa bumubuo ng Caritas Manila dahil sa malaking tulong na binigay nyo. “Yung walang sawang pagtulong sa mga pilipino lalo na sa mga naapektuhan ng ulan o ano mang kalamidad sa tulong po ninyong ito napasaya nyo ang mga parokyano,” pahayag ni Father Feliciano sa panayam ng Radio Veritas.
Aabot sa mahigit 500 relief goods ang ipinamahagi ng Caritas Manila sa parokya ng San Matias Apostoles habang nagbigay din ito ng 300 Hygiene kits at mga gamot sa mga apektado ng pagbaha.
Sa datos ng NDRRMC aabot sa mahigit 150 libong indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng habagat nitong nakalipas na linggo sa Luzon region.
Bukod sa Caritas Manila, tumugon din ang Simbahan ng Quiapo sa mga nasalanta ng baha sa lalawigan ng Pampanga kung saan 600 na relief goods ang ipinamahagi nito sa bayan ng Sasmuan at Apalit.