460 total views
Nagpasalamat ang grupo ng mga healthcare worker sa bansa sa pagkilala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga doktor at nurse na itinuturing na mga medical frontliner, bilang mga “Bagong Bayani” ng kasalukuyang panahon na patuloy na naglilingkod sa kabila ng Coronavirus Pandemic.
Ayon kay Dr. Benito “Benny” Atienza, pangulo ng Philippine Medical Association, ikinagagalak ng buong pamunuan ang pagbati at pagkilala ni Pangulong Duterte sa mga frontliner na buong puso at tapang na isinakripisyo at iniaalay ang kanilang mga buhay upang mailigtas ang mga pasyenteng nahawaan ng virus.
“Nagpapasalamat po ang buong pamunuan ng Philippine Medical Association na may miyembrong 85-libong mga Doktor, sa ating Pangulong Rodrigo Roa Duerte sa kanyang pagkilala sa mga frontliners bilang mga “Bagong Bayani ” ngayong panahon ng COVID-19 Pandemic.
Sinabi ni Dr. Atienza na mas pagbubutihan pa ng grupo ang pagtulong sa pamahalaan lalo na sa Department of Health upang mabigyan na ng lunas ang nakahahawang sakit na COVID-19.
“Inaasahan po [na ang] pamunuan ng Philippine Medical Association ay tutulong po sa ating pamahalaan, lalung-lalo na sa DOH sa pagpapalaganap ng pagpapabakuna lalo na po ang kaalaman ng pagbabakuna ng COVID-19,” ayon kay Dr. Atienza sa panayam ng Radyo Veritas.
Ang pagkilala ni Pangulong Duterte sa mga medical frontliner ay kasabay ng paggunita sa ika-124 na anibersaryo ng pagkamatay ni Dr. Jose Rizal noong ika-30 ng Disyembre. Batay sa huling tala, umabot na sa mahigit 13-libo ang mga healthcare workers sa bansa ang nahawaan ng virus, habang nasa 12-libong katao ang naitalang gumaling at 76 na katao naman ang mga nasawi.