418 total views
Ang prayer intention ng Kanyang Kabanalan Francisco para sa pagsisimula bagong taon ay isang paanyaya sa pagkakaroon ng ganap na pagkakapatiran ng lahat.
Ito ang pagninilay ni Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Emeritus Antonio Ledesma kaugnay sa panalangin ni Pope Francis para sa pagkakaroon ng ganap na “human fraternity” para sa Enero ng taong 2021.
Ayon sa Arsobispo, naaangkop rin ang naturang panalangin ng Santo Papa sa paggunita ng ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristyano sa Pilipinas upang magsama-sama ang lahat sa pagdiriwang para sa biyaya ng pananampalataya sa Panginoon.
Ipinaliwanag ni Archbishop Ledesma ang panawagan ng human fraternity ay hindi lamang para sa mga Katoliko at Kristyano kundi maging sa iba pang mga denominasyon tulad na lamang ng mga Lumad at Muslim na kapwa mga anak ng Diyos.
Iginiit ng Arsobispo na mahalagang higit na mangibabaw ang paggalang at pagkikipagkapatiran sa kapwa sa kabila ng anumang pagkakaiba sa paniniwala, pananampalataya at kulturang kinalakihan.
Tinukoy ni Archbishop Ledesma ang nilalaman ng bagong encyclical ng Santo Papa na may titulong Fratelli tutti.
“Well I think ang imbitasyon dito na sa 500 year anniversary ng pagdating ng Christianity all of us Christian churches hindi lang mga Katoliko can really celebrate the gift of faith at saka kasama na din yung mga Lumad and Muslim communities that we are all children of God, we are all brothers and sisters and this is a calling for unity in diversity and also respect for religious freedom for all and acceptance of all in terms of our common fraternal humanity, ito rin ang mensahe sa Fratelli tutti ni Pope Francis ang latest encyclical niya that we should look on everyone with respect, one fraternity and social friendship… pahayag Archbishop Ledesma sa panayam sa Radio Veritas.
Naunang inilaan ng Kanyang Kabanalan Francisco para sa pagkakaroon ng ganap na pagkakapatiran ng sangkatauhan ang kanyang prayer intention para sa unang buwan ng bagong taong 2021.
Ang naturang panalangin ni Pope Francis ay hindi lamang partikular na inilaan para sa mga Kristyano at Katoliko kundi maging para sa pagkakapatiran ng lahat ng may ibang paniniwala at pananampalataya.
Nawa ayon kay Pope Francis ay patuloy na gabayan ng Panginoon ang bawat isa upang sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya ay higit na manaig ang pagkakaisa, pagkakapatiran at pananalangin para sa kapakanan ng kapwa lalo na sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya sa buong daigdig.
Matatandaang noong ika-5 ng Oktubre ng nakalipas na taon kasabay ng Kapistahan ni St. Francis of Assisi ay isinapubliko ni Pope Francis ang kanyang ikatlong encyclical na may titulong ‘Fratelli tutti’ na naglalaman ng mga pagninilay ng Santo Papa patungkol sa human fraternity at social friendship lalo na sa gitna ng COVID-19 pandemic.